PITONG BARANGAY SA PALAWAN, SUMAILALIM SA EBALWASYON NG MELLPI SA PANGUNGUNA NG PROVINCIAL NUTRITION COUNCIL

Blog Single

Sumailalim ang pitong barangay sa lalawigan ng Palawan sa Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation (MELLPI) sa pangunguna ng Provincial Nutrition Council  (PNC) ng Pamahalaang Panlalawigan. Nagsimulang maglibot ang grupo ng technical working group (TWG) ng PNC sa  mga barangay noong unang linggo ng Marso, taong kasalukuyan.

Ayon kay Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel T. Paladan, ang naturang mga barangay na sumailalim sa MELLPI ay kinabibilangan ng Bgy. Alimanguan sa munsipyo ng San Vicente, Bgy. Tagumpay sa munisipyo ng Roxas, Bgy. Cabigsing sa munisipyo ng Cuyo, Bgy. Villa Fria sa Agutaya , Bgy. Los Angeles sa Magsaysay at Bgy. Panacan sa Narra.

“ Nagsimula na tayong mag MELLPI para doon sa mga barangay na ready to evaluate ang kanilang nutrition programs, strategy natin ito para malaman natin ang implementation ng mga programa ng barangay nutrition committee at kasama din ang mga barangay nutrition scholars natin for evaluation”

Samantala, ayon pa kay PNAO Paladan, ang pagsasagawa ng MELLPI ay bahagi ng programang pang-nutrisyon na may pangunahing  layunin na isailalim sa monitoring at evaluation ang mga pangunahing tagapaghatid ng serbisyong pang-nutrisyon sa Palawan.

Aniya, ito rin ay naglalayong masuri ang kahusayan at pagiging epektibo ng mga lokal na pamahalaan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga lokal na programa sa nutrisyon sa kanilang nasasakupang komunidad, na kung saan tampok dito ang pagseserbisyo ng mga Barangay Environment and Nutrition Scholars (BEANS) sa bawat munisipyo ng lalawigan.

Bahagi ng MELLPI ang pagtatasa at pagsusuri sa mga BEANS gayundin ang pamahalaang lokal ng barangay na may posibilidad na tumaggap ng parangal at kilalanin ng National Nutrition Council (NNC). Kasama na rito ang paggawad ng Outstanding Barangay Nutrition Committee, Outstanding Barangay Nutrition Scholar, Green Banner Award at iba pang parangal.

Dagdag pa ni PNAO Paladan na bukod sa naturang mga barangay ay  nakatakdang ring magsagawa ng MELLPI  sa barangay Rio Tuba, Bataraza at Barangay Mabini sa bayan ng Aborlan sa ika- 9 hanggang ika- 12 ng Abril ng taong kasalukuyan.