MUNICIPAL NUTRITION ACTION OFFICERS SA PALAWAN, PINULONG NG NATIONAL NUTRITION COUNCIL – MIMAROPA

Blog Single

Mahigit tatlumpung mga Nutrition Action Officers mula sa munisipyo at barangay sa lalawigan ng Palawan ang dumalo sa isinagawang pagpupulong na ipinatawag ng National Nutrition Council (NNC) MIMAROPA kamakailan sa pangunguna ni Bb. Carina Santiago, officer- in charge ng naturang tanggapan.

Napag-alaman mula kay Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel T. Paladan na ang naturang pagpupulong ay kauna-unahang pagtitipon ng mga MNAOs sa Palawan ngayong taon.

Aniya, isa sa mga tinakalakay sa naturang pagtitipon ay ang oryentasyon patungkol sa makabagong sistema na gagamitin sa monitoring at evaluation ng bawat lugar sa bansa sa implementasyon ng mga programang pang-nutrisyon. Ang naturang aktibidad ay may titulong Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation Protocol (MELLPI Pro).

Ipinaliwanag rin ni PNAO Paladan na ang MELLPI Pro ang bagong sistemang gagamitin sa monitoring at evaluation sa mga munisipyo at barangay patungkol sa implementasyon ng mga programa sa nutrisyon. Binigyang-diin din nito na ang bagong pamamaraan ay mas madaling maunawaan kumpara sa dating proseso ng MELLPI mula sa NNC.

Bahagi rin ng pagpupulong ang pag-uulat ng malnutrition prevalence rate ng Palawan na nakapagtala ng 8.98% Malnutrition Prevalence Rate noong taong 2018 na mas mataas kung ikukumpara sa datos noong nakaraang taong 2017 na may 8.80 lamang.

Samantala, ayon pa kay PNAO Paladan, ang pagsasagawa ng MELLPI ay may pangunahing layunin na isailalim sa monitoring at evaluation ang mga pangunahing tagapaghatid ng serbisyong pang-nutrisyon sa Palawan.

Aniya, ito rin ay naglalayong masuri ang kahusayan at pagiging epektibo ng mga lokal na pamahalaan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga lokal na programa sa nutrisyon sa kanilang nasasakupang munisipyo sa pangunguna ng mga Municipal Nutrition Action Officers (MNAOs).