DOT at Pamahalaang Panlalawigan, nagsagawa ng inspeksyon sa mga primary tourism enterprises

Blog Single

Nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Tourism (DOT) katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa mga primary tourism enterprises (PTEs) sa timog Palawan noong buwan ng Marso, taong kasalukuyan.

Ito ay bilang pagtalima sa inilabas na Memorandum Circular No. 2019-17 ng Department of the Interior and Local Government (DILG) patungkol sa accreditation ng mga tourism establishments na itinatakda ng Batas Republika 9593.

Umabot sa animnapung (60) establisimyento ang isinailalim sa inspeksyon na kinabibilangan ng mga accommodation establishments at travel agencies mula sa mga munisipyo ng Aborlan, Narra, Sofronio Española, Brooke’s Point, Quezon, Rizal at Bataraza.

Masusing sinusuri sa inspeksyon ang physical at documentary requirements ng mga establisimyentong pangturista.

Ayon kay Gng. Leizl Ogdamin ng Provincial Tourism Promotions and Development Department (PTPDD), marami pa ang kinakailangang isaayos ng mga PTEs upang sila ay makatanggap ng accreditation mula sa DOT at lisensya para sa kanilang operasyon.

Aniya, ilan sa mga kinakailangang tugunan ng mga establisimyento sa southern Palawan ay ang kawalan ng rest area, safety deposit box, kwarto at ramps para sa mga persons with disability (PWD).

Karamihan umano sa mga ito ay kumpleto kaugnay ng documentary requirements.

Mainam din umano na ang bawat establisimyento ay mayroong empleyado na bihasa at sumailalim sa basic life support (BLS) training.

“[Ilan pa sa mga tinitignan dito] ang kanilang compliance sa mga policies related to tourism katulad ng building code, solid waste management act, at environmental laws,” ani Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi.

Dagdag pa niya, nakatakda ring magsasagawa ng kahalintulad na inspeksyon sa northern Palawan.