MARINA-Palawan, nagsagawa ng mobile registration sa munisipyo ng Balabac

Blog Single

Nagsagawa ng mobile registration ang Maritime Industry Authority (MARINA) – Palawan sa munisipyo ng Balabac kung saan 308 boat captain at boat operators at 21 bangka ang nairehistro.

Ang rehistrasyon ay isinagawa sa naturang bayan noong ika-26 hanggang 28 ng Marso, taong kasalukuyan, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan at Pamahalaang Bayan ng Balabac.

Ani Gng. Leizl Ogdamin ng Provincial Tourism Promotions and Development Department (PTPDD), mahalaga na ang lahat ng nagbibigay-serbisyo sa mga turista at ang bangka na kanilang ginagamit ay rehistrado at may lisenya mula sa MARINA.

“Gusto kasi natin ay safety and security ng tourists natin. Kapag ang isang bangka ay rehistrado ng MARINA tapos kukuha sila ng certificate of franchise, niri-require sila [na] kailangan may insurance ang bawat pasahero ng kanilang bangka,” paliwanag ni Gng. Ogdamin.

Nagsagawa rin ng pagsasanay patungkol sa special modified basic safety training with typhoon awareness.

Ang gawain ay bilang pagtugon sa kahilingan ng munisipyo ng Balabac sa pamamagitan ni Municipal Administrator at Designated Municipal Tourism Officer Dannyboy Harani na magsagawa ng mobile registration sa kanilang munisipyo.

Nakahanda rin umano ang MARINA sa pangunguna ni Engr, Petronilo Roche na makipagtulungan sa mga inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan para sa pagsasaalang-alang ng kaligtasan ng mga turista na bumibisita sa lalawigan.