PAGBUO NG PALAWAN INFORMATION AND COMMUNICATION COUNCIL, ISINUSULONG

Blog Single

Isinusulong ng E-Governance Office katuwang si Board Member Albert Rama ng Sangguniang Panlalawigan ang pagbuo ng Palawan Information and Communication Technology (ICT) Council na tutulong sa pagpapalakas ng mga programa ni Gobernador Jose Ch. Alvarez sa ilalim ng ICT at innovation development sa lalawigan.

Base sa Provisional Ordinance No. 2073, ang ICT Council ay ang magiging policy making body para sa ICT at innovation development sa Palawan. Ito rin ang gagawa ng implementing rules and regulations, roadmap at mga plano para sa ICT; magbibigay ng insentibo para sa digital innovations at teknolohiya; gagawa ng mga plano at programa para sa ICT literacy; maghihikayat sa Local Government Units sa pagtatag ng e-government; at magbubuo ng incentive systems at estratehiya para makapaghikayat ng mga mamumuhunan para sa ilang ICT-related industries na makakatulong sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga Palaweño.

Inaasahang bubuo sa ICT Council ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pangunguna nina Gob. Alvarez at Bise-Gob. Dennis Socrates, Department of Information and Communications Technology (DICT), Provincial Director ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Interior and Local Government (DILG), chairperson ng Committee on Information and Technology sa Sangguniang Panlalawigan, pangulo ng League of Municipalities sa lalawigan, Department of Education, representante mula Chamber of Commerce and Industry, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ilang telephone companies, Palaweño Information and Communications Technology Association (PICTA), Department of Trade and Industry (DTI), sektor ng mga kabataan, at Indigenous People’s Representative.

Nakatakda naman sa ika-14 ng Enero, taong kasalukuyan ang consultative meeting ng mga ahensya at sektor na bubuo sa ICT Council para talakayin ang nilalaman ng panukala.

Samantala, base sa Section 24, Article 11 ng 1987 Constitution, malaki ang ginagampanan ng sektor ng Communication and Information para sa pagpapaunlad ng bansa.