Bilang ng mga turista sa Palawan, tumaas ng 21 porsyento sa taong 2018

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Tumaas ng 21% ang bilang ng mga turistang bumisita sa lalawigan ng Palawan para sa taong 2018.

Ito ang ibinandera ng Provincial Tourism Promotions and Development Department (PTPDD), na umabot sa 1, 809, 880 ang kabuuang tourist arrivals ng lalawigan noong nakaraang taon na mas mataas kung ikukumpara sa 1.4 milyon na naitala noong taong 2017.

“While we are happy with the increase [and] we have achieved the target, at the back of that overwhelming increase is to see to it that we will comply sa mga related laws and policies [and] that really leads to sustainability and inclusivity,” ani Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi.

Malaking bahagi ng arrivals ay ang mga lokal na turista na bumubuo ng 63 % sa kabuuang tourist arrival o katumbas ng 1,137, 712.

Nangunguna ang bansang Korea sa foreign market ng Palawan na may 92, 706 tourist arrivals o katumbas ng 369 % pagtaas.

Ito ay sinusundan ng United States of America (64, 701), China (63, 593), Taiwan (51, 409) at France (26, 286). Kabilang din ang United Kingdom, Canada, Germany, Spain at Australia sa top 10 foreign markets.

Sa kabuuan ay umabot sa 664, 600 ang dumayong banyagang turista sa lalawigan noong 2018.

Pangunahing pinupuntahan ng mga turista ang Puerto Princesa City na nakapagtala ng 1, 278, 318 arrivals.

Ang bayan ng Coron (208, 100) at El Nido ((149, 948) ang pumangalawa at pumangatlo, ayon sa pagkakasunod-sunod, sa mga destinasyong madalas na dinarayo.

Masigla rin ang industriya ng turismo sa bayan ng San Vicente matapos makapagtala ng 35, 050 tourist arrivals o katumbas ng 35% growth rate.

Target ng Pamahalaang Panlalawigan na sa taong 2030 ay lumubo sa limang milyon ang bilang ng mga turista sa lalawigan.

Kakayanin naman umano ito sa pamamagitan ng patuloy at agresibong promosyon, pagpapaunlad ng produktong panturismo at pagpapataas ng kalidad ng serbisyo, ayon pa kay Provincial Tourism Officer Buñi.

Aniya, patuloy ang kontruksyon ng mga imprastraktura tulad ng paliparan, pantalan at kalsada na malaki ang magiging kontribusyon sa paglago ng lokal na industriya ng turismo.

Samantala, ang naturang tanggapan ay nagsasagawa rin ng imbentaryo ng mga Community-Based Sustainable Tourism at Communities Benefitting through Tourism sa lalawigan.

“So if you cannot be a destination, support the destination,” saad ng hepe ng PTPDD.

Dito ay pinalalakas ang mga komunidad upang makinabang sa patuloy na pag-unlad ng industriya ng turismo sa lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan at oportunidad na magsuplay ng mga pangagailangan ng mga turista tulad ng pagkain, souvenir items at iba pang produkto.