Programang pangkalusugan ng mga kabataan sa Palawan, mas lalong paiigtingin ng Palawan Family Health Advocacy Council

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Bunsod ng tumataas na bilang ng iba’t-ibang uri ng suliraning pangkalusugan na hinaaharap ng mga kabataang Palaweno partikular ang isyu sa maagang pagbubuntis ng mga kabataang babae o teenage pregnancy, kaso ng sexually transmitted infections (STI) at Human Immuno Virus (HIV), ay nais paigtingin ng Palawan Provincial Family Health Advocacy Council ang mga programa na magtataguyod sa kapakanan ng mga kabataan sa lalong madaling panahon bago pa mauwi sa anumang banta ng panganib para sa mga ito.

Sa isinagawang pagpupulong noong ika- 15 ng Abril taong kasalukuyan ng mga miyembro ng naturang konseho ay mainit na pinag usapan ang mga programa para sa mga kabataang Palaweno sa ilalim ng Adolescent and Reproductive Health Program nito.

Ang pagpupulong ay pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Palawan Family Health Advocacy Council na kinaaaniban ng Provincial Health Office (PHO), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Information Office (PIO)  bilang mga kasapi ng naturang konseho.

Dumalo sa pagpupulong si Regional Director Angelito Obcena ng Commission on Population and Development (POPCOM) – MIMAROPA upang makipagtulungan sa konseho  na tutukan ang suliranin ng mga kabataang Palaweno. Kasama rin ang mga kinatawan ng ilang non-government organizations kabilang ang Roots of Health at The Forum for Family Planning and Development, na patuloy na tumutulong sa mga programang pangkalusugan sa lalawigan.

Malungkot na ibinalita ni RD Obcena ang kasalukuyang lagay ng lalawigan ng Palawan gayundin ang lungsod ng Puerto Princesa sa usapin ng Adolescent Health, aniya nangunguna sa talaan ang lalawigan ng Palawan sa buong rehiyon ng MIMAROPA sa may mataas na kaso ng teenage pregnancy.

“For the whole region, Puerto Princesa is number one in our list, the others are Taytay and also  Brookes Point nasa top ten din, actually marami sa munisipyo natin dito sa Palawan ay nakasama sa may mataas na adolescent pregnancy.” ani RD Obcena.

Sa pinakahuling ulat na POPCOM, mayroong kabuuang bilang na 3,510 na kaso ng adolescent pregnancy sa buong lalawigan ng Palawan nitong nakaraang taong 2018. Malaking bilang dito ay mula sa lungsod ng Puerto Princesa kung saan ay nakapagtala ito ng 1,051 na kaso. Sa kabuuang datos naman ay mayroong naitalang 7,546 kaso ng adolescent pregnancy sa buong rehiyon ng MIMAROPA sa taong 2018.

Ayon naman sa ulat ng PHO, mayroong naitalang 82 na kaso ng HIV noong taong 2018 sa buong lalawigan ng Palawan na hanggang sa kasalukuyan ay sumasailalaim sa gamutan o treatment. At mula sa bilang na ito, 11 na ang namatay dahil sa kumplikasyon ng Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).

Mainit na pinag-usapan din ang materdal death kung saan ay karaniwang nalalagay sa panganib ang mga kabataan dahil sa kumplikasyon sa pagbubuntis. Sa ulat ni Gng. Jenevil Tombaga , maternal health program manager , mayroong 19 na kaso ang kanilang naitala noong taong 2018. Malaking bilang dito ay mga kabataang babae. Ibinalita rin nito na mayroong naitala ang kanilang tanggapan sa kasalukuyan na labing-isang (11) taong gulang na buntis na kanilang sinusubaybayan hanggang sa ito ay manganak.

Sa kabila ng naiulat na suliraning pangkalusugan sa Palawan ay nagpaabot ng pagbati si Gng. Chi Vallido, Director for Programs and Advocacy ng The Forum for Family Planning and Development Inc. para sa lalawigan ng Palawan sa konseho dahil sa patuloy na dedikasyon ng bawat health care providers upang matugunan ang pangangailangan ng kabataang Palaweno.

“I think nasa right track ang Palawan dahil when we came in, talagang mataas ang maternal mortality rate, so ngayon nakikita namin bumababa  narin ang cases nito kahit papaano, although marami rin tayong mga dapat i-consider especially ang location ng Palawan, so ibig sabihin gumagamda ang mga programa ninyo. And ‘yong council (PFHAC) sobrang sipag like similar to other provinces that I have seen, pero ang challenges talaga for Palawan is marami, like geographic challenges, financial challenges,  but one of the hardest working local government ay nakita namin dito sa Palawan.” ani Gng. Vallido.

Samantala, napagkasunduan sa naturang pagpupulong na magkaroon ng team effort ang konseho kung saan ay sabay na tutungo ang grupo sa mga barangay upang magsagawa ng iba’t ibang programa para sa adolescent health. Ang mga programang ito ay kinapapalooban ng teenage pregnancy symposium sa pangunguna ng POPCOM gayundin ang HIV at STI testing at counseling sa pangunguna ng PHO. Magsasagawa naman ng hiwalay na aktibidad ang ilang NGOs upang mas lalong mapaigting ang kampanya sa bawat suliraning  pangkalusugan ng kabataang Palaweno.