50 e-Trikes mula sa DOE, ipinagkaloob sa munisipyo ng San Vicente

Blog Single

Tinanggap ng munisipyo ng San Vicente kamakailan ang 50 electric tricycle (e-trike) units mula sa Department of Energy (DOE) sa pamamagitan ng market transformation through introduction of energy-efficient electric vehicles (e-trike) project.

Noong ika-30 ng Abril 2019 ay pormal nang isinalin sa pamahalaang bayan ng San Vicente ang pangangasiwa sa mga naturang e-trikes sa isinagawang turn-over ceremony na dinaluhan ng mga opisyales mula sa DOE, Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, Global Green Growth Institute (GGGI) at pamahalaang bayan ng San Vicente.

Ang pagkakaloob ng proyekto ay naisakatuparan dahil sa rekomendasyon ng Pamahalaang Panlalawigan sa GGGI, na naging abala naman sa pagbibigay ng suportang teknikal sa naturang munisipyo.

Ang proyektong ito ng pamahalaang-nasyunal ay naglalayong mabawasan ang paggamit ng produktong petrolyo sa sektor ng transportasyon at mabawasan ang carbon dioxide emission ng bansa sa pamamagitan ng paggamit ng modernong teknolohiya na maituturing na matipid sa enerhiya at menos ang dulot na polusyon sa kapaligiran.

Ayon sa GGGI, ang paggamit ng mga ganitong uri ng sasakyan ay malaking tulong sa kalikasan at maging sa hanapbuhay ng mga nasa sektor ng transportasyon dahil makatitipid ang mga ito kung ikukumpara sa paggamit ng ordinaryong tricycle na gumagamit ng produktong petrolyo sa kanilang pamamasada.

Ang e-trikes ay pinapatakbo ng lithium-ion batteries. Ito ay mayroon lamang ibinubugang 0.5 kg ng carbon dioxide sa kada isang kilowatt hour (kWh) samantalang ang tradisyunal na 2-stroke tricycle naman ay may 2.3 kg ng carbon dioxide sa kada isang litrong gasolinang nagagamit.

Ilan sa mga dumalo sa seremonya ay kinabibilangan nina Provincial Planning and Development Coordinator Ninfa B. Rubio, mga opisyal ng DOE sa pangunguna ni Engr. Lourdes Ma. A. Capricho at Engr. Gilda Garibay ng GGGI.

Matatandaan na noong buwan ng Pebrero ay tumanggap din ang bayan ng Brooke’s Point ng 50 e-trike units mula sa DOE.