Pamahalaang Panlalawigan, nagbigay parangal sa mga Bayaning Palawenyo

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Binigyang parangal at pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga bayaning palawenyo na sina Pvt.Francisco Peria 2nd Lt. Alberto Sandoval at Sgt. Alfredo Sandoval, sa bayan ng Cuyo Palawan, bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan sa pakikidigma  sa mga hapones noong panahon ng  ikawalang digmaang pandaigdig.

Pinangunahan ni Bise Gobernador Dennis M. Socrates,Mayor Andrew L. Ong at ilang mga opisyal ng lokal na Pamahalaan ng Cuyo, kasama ang Palawan Liberation Task Force, ang naturang aktibidad na nagbigay ng pagkilala sa mga bayaning Palawenyo. Ang parangal ay tinanggap ng mga kaanak ng naturang mga bayani.

Samantala, binigyang parangal din ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan si Pvt. Delfin Dalonos sa bayan ng Coron Palawan, kasabay nito ang pagbubukas (unveiling) at pagdedeklara sa ilang mga lugar bilang Historical sites kung saan lumubog ang labing isang barko ng hapon sa Coron at Busuanga Palawan

Sa tala ng kasaysayan ng Palawan, ang kasalukuyang Puerto Princesa City baywalk  ang siyang ginamit na sea plane base ng mga sundalong hapones at amerikano noong WWII. Ang plaza Cuartel naman ang minarkahan bilang lugar na kung saan minasaker ang mahigit isang daang bihag na sundalong amerikano. Labing isa sa mga ito ang pinalad na makatakas at nagkanlong sa Iwahig sa tulong ng mga lokal na residente.

Sa kasalukuyan ay nakatayo ang mga historical landmarks na mayroong mga larawan ng mga bayaning sumabak sa labanan noong WWII, sa mga pangaunahing liwasan at pasyalan sa lungsod gaya ng Puerto Princesa City Baywalk, Plaza Cuartel at Iwahig Prison and Penal Farm.