Atletang Palaweño, nag-uwi ng mga gintong medalya sa katatapos na Arafura Games 2019

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Labing-isang (11) mga manlalaro mula sa lalawigan ng Palawan ang humakot ng gintong medalya, silver at bronze sa katatapos na 11th Arafura Games 2019 na ginanap sa Darwin City, Northern Territory, Australia noong ika-27 ng Abril hanggang ika-4 ng Mayo, taong kasalukuyan.

Nasungkit ni Abegail Manzano ng Palawan para sa Team Pilipinas ang gintong medalya sa womens 3,000-meter steeplechase. Nag-uwi rin ng medalya sina John Loyd Cabalo, Reymark Godoy, Romel Bautista, Jovianne Calixto, Itiro Alamo, Francis James San Gabriel, Evangelyn Caminong, Jessel Lumapas, Eliza Cuyom, Ernie Gracia sa athletics na nagkamit ng gold, silver at bronze sa kani-kaniyang event na nilahukan.

Nanguna ang Team Pilipinas sa track & field competition na kung saan marami sa mga atleta ay mula sa Palawan. Sa nasabing event ang koponan ng Pilipinas ay nagwagi ng 13 gold medals, 19 silver at 9 Bronze. Pumangalawa ang New South Wales na nakukuha ng 13 gold medals, 6 silver at 6 bronze, sinundan ito ng Malaysia na nakakuha ng 9 gold medals, Northern territory-5 gold medals, Queensland-5 gold medals, Timor-Leste 5 gold medals, Victoria-4, at South Australia-4 gold medals.

Ayon kay G. Francis Nemenzo ng Provicial Sports Office, malaki ang naging partisipasyon ng mga manlalarong Palaweño para mai-representa ang Pilipinas sa mga ganitong internasyunal na kompetisyon.

All in all napakaganda ng performance ng Palawan athletes natin na nag-contribute ng malaking ambag sa medal tally na nakuha ng Team Philippines,” saad ni G. Francis Nemenzo.

Sa kabuuan, ang Pilipinas ay nakapagpadala ng malaking delegasyon na binuo ng siyamnapu’t-isang (91) mga atletang Pinoy na galing sa ibat-ibang lalawigan sa bansa. Ang delegasyon ng Pilipinas ay nag-uwi ng 31 golds, 51 silver at 34 bronzes.

Pinaghahandaan naman ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamamagitan ng Provincial Sports Office ang Batang Pinoy Competition na gaganapin sa darating na buwan ng Agosto 2019.