Commercial Establishments sa Palawan na lumabag sa Easement Rule, binalaan na sumunod sa batas

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Nagpaalala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mahigit 160 commercial establishments na nabigyan ng notice to vacate noong nakaraang taon sa bayan ng El Nido at Coron, na sumunod sa itinatakda ng batas kaugnay ng easement rule.

Nabigyan ng notice to vacate ang nasa 167 establisyemento sa El Nido at 75 establisyemento sa Coron dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o ang Reformed Forestry Code of the Philippines at Presidential Decree 1067 o ang Water Code of the Philippines.

Sa bayan ng El nido ay mayroong 75 commercial establishments na “compliant” sa ibinigay na notice to vacate at nagsagawa ng self-demolition habang wala namang aksyon sa bayan ng Coron, ayon sa DENR.

“Lumampas na po ang notice to vacate na in-issue ng department dahil 2018 pa ‘yan. Ang susunod na aksyon sa tulong din po ng ating butihing governor at sa pangunguna ng ating mayor [ay] magkakaroon ‘yan ng demolition,” ani Asst. Regional Director Vicente B. Tuddao Jr.

Sa isinagawang interagency meeting on clean-up rehabilitation of El Nido and Coron noong ika-17 ng Mayo sa Kapitolyo, nagpahayag ng pagsuporta si Gob. Jose Ch. Alvarez sa naturang inisyatibo sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga trucks na magagamit sa isasagawang demolisyon.

“Governor Alvarez… magpapa-deliver ng mga trucks para sa demolition kaya nga po kapag ‘yan ay natuloy hinihingian po natin ng warning ang mga na-issuehan ng notice to vacate to please comply with the rule of the law.”

Ayon pa sa DENR, mas mabuting sumunod na lamang ang mga may-ari ng establisyemento sa mga panuntunan ng bansa at alisin ang bahagi ng mga istruktura na nakatayo sa itinakdang easement zones.

“Tuloy-tuloy po ito dahil ‘yung mga hindi po umaksyon [na mga commercial establishments] to demolish po ang structure na pumasok sa easement rule ay may susunod pang hakbang ang ating gobyerno na maaring mabigyan po ng mas matinding penalty na naaayon sa batas,” dagdag ni Asst. Regional Director Tuddao.

Ayon sa probisyon ng Water Code of the Philippines, The banks of rivers and streams and the shores of the seas and lakes throughout their entire length and within a zone of three (3) meters in urban areas, twenty (20) meters in agricultural areas and forty (40) meters in forest areas, along their margins are subject to the easement of public use in the interest of recreation, navigation, floatage, fishing and salvage.”

“These easement areas should be free from any construction. This is a no-build zone,” pagbibigay diin ng opisyal ng DENR.

Ayon pa sa opisyal, maliban sa patakaran sa easement zone, tinututukan din ng binuong task force sa dalawang munisipyo ang pagtalima sa Clean Water Act, Ecological Solid Waste Management Act, Hazardous Waste Act at Clean Water Act.

Nitong nakaraang linggo ay nabigyan ng cease and desist order ang 10 hotels at resorts sa bayan ng El Nido dahil sa paglabag sa Republic Act 9275, ayon sa ibinahaging ulat ng Environment Management Bureau (EMB) sa pagpupulong.

“So we have to look into the way these owners and the households manages their untreated waste water,” ani Tuddao. “Dapat pong pangalagaan po natin ang water quality po natin. Dapat po it should fall within the acceptable standard under the clean water act.”

Ang clean-up drive na isinasagawa sa Coron at El Nido ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapangalagaan ang mga prime tourist destinations sa bansa. Ang Coron at El Nido  sa Palawan ay ang mga nangungunang destinasyon ng mga turista dahil sa natatanging ganda ng mga isla.

Ang pagpupulong ay naglalayong ma-update ang status ng clean-up drive at pagsunod ng dalawang munisipyo sa mga batas at polisiya na may kaugnayan sa kalikasan. Ito ay dinaluhan ng mga opisyal mula sa DENR, EMB, Department of Tourism, Department of Health, Department of Interior and Local Government, Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Pamahalaang Bayan ng Coron at El Nido.