Aplikasyon sa scholarship ng kursong medisina, muling bubuksan

Blog Single

Muling tatanggap ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ng aplikasyon para sa mga nais mag-aral ng kursong medisina sa ilalim ng Programang Pang-Edukasyon para sa Palaweño (PPP).

Nasa 17 aplikasyon ang tatanggapin ng Pamahalaang Panlalawigan na mag-aaral sa unang semestre ng taong 2019-2020, ayon kay G. Aldrin Nepomuceno ng IHELP - Education Unit.

Magsasagawa ng screening at interview para sa mga interesadong aplikante sa ika-29 ng Mayo, taong kasalukuyan sa Conference Room 2A ng gusaling Kapitolyo. Ang pagpili ng mga kwalipikadong iskolar ay first come, first serve basis. Magsisimula ang gawain sa ganap na alas-9 ng umaga.

Dagdag pa ni G. Nepomuceno, ang mga aplikante ay kinakailangang nakapagpatala na sa unibersidad na kanilang pag-aaaralan at pumasa sa National Medical Admission Test (NMAT).

Magsasagawa rin ng re-orientation para sa mga kasalukuyang medical scholars sa parehong petsa at lugar.

Sa ilalim ng programang pang-edukasyon, nagbibigay ng P70,000 tulong-pangmatrikula ang Pamahalaang Panlalawigan sa bawat medical scholar kada semestre.

Bilang bahagi ng kasunduan, ang mga magsisipagtapos at ganap na maging doktor ay kinakailangang magbigay ng kanilang serbisyo sa lalawigan na katumbas ng haba ng panahon na sila ay nasa ilalim ng programa.

Ang hakbanging ito ay tugon sa kakulangan sa mga doktor na magbibigay ng serbisyong medikal sa mga ospital na ipinapatayo ng Pamahalaang Panlalawigan at Kagawaran ng Kalusugan (DOH) sa mga munisipyo.

Sa kasalukuyan ay mayroong 110 medical students ang sinusuportahan ng Pamahalaang Panlalawigan.

Sina Dr. Pennsylvania O. Baluyut, Dr. Joel Victor P. Rabanal, Dr. Daylara B. Silva, Dr. Harold Ian C. Iquin, Dr. Emmanuel D. Alfaro Jr., Dr. Ariane May G. Dacillo, at Dr. Shaiyna Nur O. Mangaccat ang ilan lamang sa mga naging matagumpay na benepisyaryo ng programa.