Baragatan Festival, ipinagpaliban ngayong taon

Blog Single

Ipinaliwanag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang mga dahilan kung bakit kanselado ngayong taon ang pagdiriwang ng Baragatan sa Palawan Festival sa darating na Hunyo.

Ayon kay G. Ceasar Sammy Magbanua, Officer-In-Charge ng Provincial Information Office, naapektuhan ng kampanya sa eleksyon ang preparasyon para paghandaan ang taunang pagdiriwang lalo't ipinatupad din ang Election Ban kaugnay ng 2019 National and Local Elections kung kaya’t kapos ang panahon sa pag-aasikaso ng procurement process. Dagdag pa na maraming munisipyo rin ang humiling na ipagpaliban muna ang taunang pagdiriwang dahil sa inaasahang transition pagkatapos ng eleksyon.

"Ang mga dahilan well of course, yung nasabi ng ating gobernador na lack of material time para po paghandaan yung nasabing festival. Alam naman natin yung Baragatan Festival ay talaga namang lumaki na yung scope at maraming activities ang nadagdag at kukulangin na talaga ang panahon natin to be able to stage a successful festival na gaya ng nakasanayan ng mga kababayan natin.”

“At the same time, alam naman natin na under the Procurement Act, maraming mga kailangang dumaan sa proper bidding, lahat ng procurement na gagawin, mga kailangan na mga supplies/materials, etc...Wala na ring time para diyan dahil may prescribe number of days, prescribe number of months na hindi rin natin nagawa kasi nga nagkaroon ng Election Ban,” dagdag ni OIC-PIO Magbanua.

“’Yung mga LGUs (Local Government Units) na nakapag-allocate ng pondo, they were also covered by the election ban at higit sa lahat, ‘yung formal survey with our LGU's, mga local chief executives natin, marami rin ang nag-signify na hindi sila makakasali ngayong taon na ito-- dahil yung iba hindi nakapag-allocate ng pondo at yung iba naman dahil sa naging resulta ng election, nagkaroon ng change of leadership sa mga municipalities, so yun yung mga reasons po."

Pero paglilinaw ng Pamahalaang Panlalawigan bagamat walang magarbong selebrasyon ay nakatakdang magkaroon ng Provincial Daycare Workers Forum sa June 13-14 ng taong ito. Sa June 23 ay magsasagawa naman ng Thanksgiving Mass kaugnay ng ika-117 na Anibersaryo ng Gobyerno Sibil ng Lalawigan ng Palawan at sa June 24-26 ay ang Livelihood Exchange (LIVEX) na dadaluhan ng mga business leaders mula sa mga bansang miyembro ng BIMP-EAGA.

Hiling naman ng Pamahalaang Panlalawigan ang pang-unawa ng mga Palaweño kaugnay ng sitwasyon.

Sana maunawaan ng mga kababayan natin yung dahilan, we know maraming na-disappoint, maraming espekulasyon kaya walang Baragatan...Sana maunawaan nila ang side ng Provincial Government,” dagdag pa ng Provincial Information Officer.