Provincial Tourism Promotions and Development Office, nagsagawa ng Tourism Awareness Seminar sa bayan ng Quezon

Blog Single

Limampu’t tatlong (53) local tourism stakeholders sa bayan ng Quezon ang nagtapos sa Tourism Awareness Seminar with Customer Service na isinagawa noong ika-21 hanggang ika-22 ng Mayo, taong kasalukuyan.

Ang dalawang araw na seminar ay dinaluhan ng mga hotel at resort managers, opisyal ng mga barangay at kinatawan mula sa iba pang ahensya. Ito ay pinangasiwaan ng Provincial Tourism Promotions and Development Office (PTPDO) katuwang ang pamahalaang bayan ng Quezon.

Ayon sa PTPDO, ang gawain ay naglalayong linangin ang kaalaman ng mga partisipante patungkol sa kontribusyon at kahalagahan ng sektor ng turismo sa kaunlaran ng isang komunidad.

Nagkaroon ng pagsasanay sa tamang pamamaraan ng pakikitungo at pagbibigay serbisyo sa mga turista. May talakayan din patungkol sa child safe tourism at Progressive Accreditation System (PAS).

Ang bayan ng Quezon ay kilala dahil sa archaeological site na Tabon Caves. Noong taong 2018 ay nasa mahigit 15,800 ang bilang ng mga turistang bumisita rito.

Kamakailan ay nagsagawa naman ang PTPDO sa pakikipagtulungan ng pamahalaang bayan ng El Nido at Bacuit El Nido Travel and Tour Association, Inc. (BELTOA,Inc.) ng travel and tour operations and management seminar sa bayan ng El Nido.