Kalinga para kay Lolo at Lola, patuloy na itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan

Blog Single

Patuloy na itinaguyod ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO ang kalinga para sa mga indigent senior citizen sa lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay ng buwanang pension sa mga ito sa ilalim ng “Local Social Pension Program for Indigent Senior Citizens.”

Kasalukuyang nasa mga munisipyo ang mga kawani ng PSWDO para ipagkaloob ang buwanang ayuda para sa mga lolo at lola.  Ang kabuoang halaga na matatanggap na pension ng mga benepisyaryo ay P1,500, para sa mga buwan ng Hulyo hanggang Disyembre ng taong 2018.

Ayon kay Gng. Helen Bundal, population officer II ng PSWDO, ang benepisyaryo ng pension mula sa Pamahalaang Panlalawigan ay tumatanggap ng P250.00 kada buwan samantalang ang ibang indigent senior citizen na kabilang sa social pension na ipinamamahagi ng pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay tumatanggap ng P500.00 kada buwan na ayuda.

Maliban sa local social pension ay nagpapatuloy rin ang iba pang programa ng Pamahalaang Panlalawigan na nakatuon sa pagkalinga para sa mga lolo at lola tulad ng pagbibigay ng tulong pinansiyal, medikal at iba pa upang mas lalong maitaguyod ang iba’t ibang serbisyo para sa mga nakatatandang Palaweño.

Ang pagkakaloob ng local social pension para mga indigent senior citizen sa lalawigan ay pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan sa Expanded Senior Citizens Act of 2010 na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na pagkalooban ng buwanang pension ang mga kapus-palad na nakatatandang mamamayan sa kani-kanilang lokalidad upang makatulong sa kanilang pangangailangan partikular sa pagkain at gamot.

Ang mga benepisyaryo ng programang ay ang mahihirap na senior citizen sa buong lalawigan ng Palawan na nag-eedad 60 taong gulang pataas. Ang Palawan ang natatanging lalawigan sa buong rehiyon ng MIMAROPA na nagpapatupad ng programa para sa kapakanan ng mga senior citizens.