PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, MATAGUMPAY NA NAISAKATUPARAN ANG COMMUNITY ENHANCEMENT AND LIVELIHOOD PROGRAM SA WALONG MUNISIPYO S

Blog Single

Umabot sa 526 na mga Recovering Drug Surrenderees (RDS) mula sa dalawampu’t siyam na barangay sa lalawigan ng Palawan ang nagsipagtapos sa ilalim ng Community Enhancement and Livelihood Program o CELP para sa taong 2018.

Base sa 2018 Accomplishment Report ng CELP, matagumpay na naisakatuparan ang naturang programa sa walong munisipyo sa lalawigan na kinabibilangan ng mga bayan ng San Vicente, Brooke’s Point, Roxas, El Nido, Araceli, Kalayaan, Rizal at Cuyo.

Ang CELP ay programa ng Pamahalaang Panlalawigan na nakatuon sa 16 na linggong lecture module para sa drug surrenderees na sumuko sa ilalim ng Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP). Layon nito na mapanumbalik ang positibong pananaw sa buhay ng mga drug surrenderees sa pamamagitan ng moral and spiritual counseling, physical training, livelihood lectures at konkretong suporta ng komunidad.

Katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsasakatuparan ng nito ang 592 Community Care Team (CCT) na binubuo ng mga opisyales ng barangay, Philippine Marines, mga kapulisan, inter-faith organizations at iba pang personalidad sa komunidad na siyang sumisiguro na maipapatupad ng maayos ang naturang programa.

Samantala, inaasahan naman na maisasakatuparan ang CELP sa apat na munisipyo sa lalawigan ngayong taong kasalukuyan na kinabibilangan ng mga bayan ng Narra, Quezon, Sofronio Española at Taytay.

Hangad ni Gob. Jose Ch. Alvarez na maipatupad ang naturang programa sa lahat ng munisipyo sa lalawigan para matugunan ang rehabilitasyon ng mga drug surrenderees sa lalawigan.