Gobernador JCA, muling nabigyan ng mandato para maglingkod sa mga Palaweño

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Muling nabigyan ng mandato na makapaglingkod sa mga Palaweño si Gobernador Jose Ch. Alvarez matapos na makakuha ng 206,794 na boto (mula sa 98.8% election returns transmitted) nitong May 13 National and Local Elections.

Muli ring nahalal bilang Vice Governor si Victorino Dennis Socrates kasama ang mga Board Members na kinabibilangan nina David Ponce de Leon, Leoncio Ola, Juan Antonio Alvarez, Cherry Pie Acosta, Maria Angela Sabando para sa unang distrito; Sharon Abiog-Onda, Eduardo Modesto Rodriguez, Cesareo Benedito Jr. at Ryan Maminta para sa ikalawang distrito; at Albert Rama para naman sa ikatlong distrito.

Samantala, muling nahalal na kongresista sa unang distrito si Franz Josef George Alvarez. Sina Atty. Cyrille ‘Beng’ Abueg at Atty. Gil Acosta, Jr. naman ang nabigyan ng mandato para sa ikalawa at ikatlong distrito ng lalawigan.

Nangako si Gob. Alvarez na sa kanyang huling termino ay mas paiigtingin nito ang kanyang mga proyekto gaya nang pagpapatayo ng mga bagong ospital, covered courts, water system at paliparan, pagsasaayos ng mga kalsada at pagbibigay ng kabuhayan sa mga mamamayan at scholarship program sa mga estudyante.

Matatandaan na unang nahalal bilang ama ng lalawigan si Gob. Alvarez noong 2013 at dito ay sinimulan niya ang kanyang mga adhikain at programa para mas mapaunlad ang lalawigan ng Palawan.

Taong 2014 nang simulan ng gobernador ang flagship program na IHELP o Infrastructure, Health, Education, Livelihood and Protection of the Environment Program na ang pangunahing layunin ay ang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga Palaweño at magkaroon ng mas progresibong kalakalan para sa kaunlaran ng lalawigan gayon din ang maiabot ang de-kalidad na serbisyo sa mga malalayong barangay ng Palawan.

Nitong nakaraang buwan ng Abril, taong kasalukuyan ay isa si Gob. Alvarez sa apat na gobernador na kinilala ng Association of Social Welfare and Development Officers of the Philippines Incorporated (ALSWDOPI) bilang Outstanding Governor of the Philippines dahil sa pagtataguyod nito ng mga programa at serbisyong panlipunan para sa lalawigan ng Palawan.