"It is the right thing to do" - Gob. Alvarez sa paglikha ng dalawang karagdagang Probinsya ng Palawan

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Sa madamdaming pahayag ni Gob. Jose Ch. Alvarez sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan kanyang binigyang-diin na ang pagdaragdag ng dalawang panibagong probinsya ay nararapat at napapanahon na hakbangin at ito ay makakabuti para sa lalawigan.

Sa pagpupulong na kanyang ipinatawag noong ika-31ng Mayo 2019, hiniling niya ang suporta ng mga kawani ng Kapitolyo sa pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa Republic Act 11259 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong buwan ng Abril, taong ito.

“Magtulungan tayo para ipalaganap ang [patungkol sa] 3’n1 Palawan kasi it is the right thing to do,” pagtukoy ni Gob. Alvarez sa batas na nagtatakda sa paglikha ng Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur. 

Aniya, ang hakbang ay magbibigay daan upang lumaki ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng lalawigan mula sa kasalukuyang P2.4 billion na ayon sa projection ay aakyat sa P6 billion na matatanggap mula sa pamahalaang nasyunal.

Sa pamamagitan umano nito ay mas tataas ang pondong gagamitin para sa mga proyekto at programa ng pamahalaang panlalawigan gayundin ang pagtaas ng pondo para sa disaster risk reduction, gender and development at maging sa mga tinatanggap ng senior citizens.

Tiniyak din ng gobernador na hindi mawawalan ng trabaho ang mga kasalukuyang empleyado ng Kapitolyo sa panahon ng implementasyon ng naturang batas dahil mas maraming trabaho ang malilikha nito. Aniya, mas makabubuti rin kung pipiliin ng mga empleyado na magserbisyo sa mga itinakdang bagong Kapitolyo sa Roxas, Taytay at Brooke’s Point dahil mas mababa ang “cost of living” sa mga bayang ito kung ikukumpara sa pamumuhay sa siyudad..

“I promise you … walang madi-displace and ‘yung mga gustong lumipat sa Brooke’s Point, Roxas at saka Taytay mayroon tayong housing doon,” pagtitiyak ng panlalawigang punong-ehekutibo.

Hindi umano niya ito ginagawa para sa sarili kundi para sa mga susunod na henerasyon.

“In 2022, hindi na ako pwedeng tumakbo. Pinatanggal ko ang probisyon na iyon. Hindi makatarungan ‘yun,” ani Gob. Alvarez.

Dagdag pa niya, nakatakdang magsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng information, education campaign sa mga barangay upang maipaalam at maipalaganap ang tamang impormasyon patungkol sa hakbang na 3’n1 Palawan.

Samantala, dumalo rin sa pagpupulong sina Board Member Winston Arzaga at Board Member Albert Rama.

Ani Board Member Arzaga, napakalaki ng Palawan kung kaya kinakailangan na magkaroon ng karagdagang local government units (LGUs).

“We are not dividing Palawan, we are simply creating three new provinces,” ani Board Member Arzaga. “We are still and will always be Palaweños.”

Sinagot din niya ang ilang isyu na ipinupukol sa naturang batas tulad ng di umano’y direktang apektado ang lungsod ng Puerto Princesa at ang hindi pagkakasali nito sa isasagawang plebesito.

Aniya, masasabi lamang na direktang apektado ang isang lungsod kung mababawasan ang kita at ang teritoryo nito.

“Sa pagcreate ng tatlong probinsya, mababawasan ba ang income ng Puerto Princesa, hindi diba? Mababawasan ba ang teritoryo ng Puerto Princesa? Wala. In other word they are not directly affected by the creation of the three provinces,” pagbibigay-diin ng bokal.

“Di na [rin] dapat kasali ang Puerto Princesa kasi as early as 2007 ay naging highly urbanized city na po ang Puerto.”

Ayon pa sa dalawang bokal, malaking hamon pa rin sa Palawan ang pagpapababa ng mataas na antas ng kahirapan partikular sa kanayunan kahit na patuloy ang naitatalang pagtaas ng ekonomiya ng lalawigan.

Mayroong 52 % poverty index ang Palawan sa kasalukuyan, mas mababa sa 67 % noong taong 2013. Ito ay dahil na rin sa inilunsad na programang IHELP ng pamahalaang panlalawigan.

Pero ayon kay Board Member Rama, napakalayo pa rin nito sa national average na 25 % na poverty incidence.

“Isa sa mga solusyon na nakikita para ma-address itong mataas na poverty incidence is to create additional provinces para nang sa ganoon ay mas mabilis ang pagbibigay ng serbisyo at mas maging responsive ang gobyerno sa pangangailangan ng mga tao,” pahayag ng bokal ng ikatlong distrito.