Mental Health advocacies sa palawan, paiigtingin

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Nakatakdang i-renew ang memorandum of agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Philippine Mental Health Association Inc. (PMHAI) na nagtatakda sa pagsusulong ng malusog na kaisipan para sa mga Palaweño.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail Ablaña, malaking tulong ito dahil kinakailangan na palakasin at paigtingin ang mga adbokasiya na nagsusulong sa kalusugang pangkaisipan (mental health) sa lalawigan.

Malaking hamon ngayon sa Palawan ang tumataas na kaso ng depresyon sa mga kabataang Palaweño, liban pa sa bilang ng mga taong nakararanas ng iba’t ibang kondisyon na may kinalaman sa mental health, ayon sa kanya.

Kaugnay nito, ibinalita ni Gng. Ablaῆa na nitong nakaraang linggo ay nagkaroon ng pagpupulong sa pagitan nina PMHAI President Lina Laygo, Dr. Carolina Rayco, Gob. Jose Ch. Alvarez at iba pang opisyal upang pag-usapan ang pagpapatibay ng kasunduan sa promosyon ng naturang adbokasiya.

Aniya, mahalagang tutukan ito katulad ng pagbibigay importansya sa pisikal na kalusugan ng bawat tao.

“Without mental health you cannot say that you are healthy. So napakahalaga na magkaroon ng malusog na pag-iisip ang isang tao dahil dito nakasalalay on how you can be an effective person, an effective worker, an effective member of our society, kaya we want mental health to be one of the priorities,” ani PSWD Officer Ablaña.

“Patuloy ang ating pakikipagtulungan [sa PMHAI] dahil alam natin na kulang ang ating mga professionals on psychology and psychiatry dito sa Palawan,” dagdag pa niya. 

Nagkaroon din ng pagpupulong ang PMHAI sa mga potensyal na makakatuwang sa programa sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng Philippine Mental Health – Chapter sa Palawan. Sa pulong ay nagkaroon ng oryentasyon sa magiging tungkulin ng bawat isa sa kanila.

Taong 2018 nang unang lumagda ang Pamahalaang Panlalawigan at PMHI sa memorandum of agreement.

Samantala, nagpasa rin ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan noong ika-28 ng Mayo 2019 na nagbibigay kapangyarihan kay Gob. Alvarez na muling pumasok sa kasunduan sa PMHAI na isang pribado, non-stock, non-profit organization na may adbokasiya sa pangangalaga ng  kalusugang pangkaisipan ng mamamayang Pilipino.