Groundbreaking ng Balabac District Hospital, isinagawa

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Pinangunahan nina Department of Health (DOH) Assistant Secretary Maria Francia Laxamana, DOH Regional Director Mario Baquilod, Engr. Saylito Purisima, hepe ng Infrastructure Unit ng Pamahalaang Panlalawigan, Engr. Romeo Ong ng Municipal Engineering Office at Lorna Gapilango ng Municipal Social Welfare and Development Office sa bayan ng Balabac ang isinagawang groundbreaking ceremony ng Balabac District Hospital na ilalagay sa Brgy. Catagupan, bayan ng Balabac nitong ika-5 ng Hunyo, taong kasalukuyan.

Ang nasabing ospital ay magkatuwang na proyekto ng Department of Health at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program na may kabuoang pondo na P100 Milyon.

Sa ngayon ay sisimulan na ang Phase 1 ng Balabac District Hospital na nilaanan ng pondong P7.8 Milyon para sa structural element ng gusali tulad ng beam, column at footing.

“Malaking parte ng proyektong ito ang lupang ibinigay ng local government ng Balabac, almost 3 hectares ang donated nila. We are looking forward na once matapos itong ospital ay marami tayong matulungang residente rito kabilang na ‘yung mula sa mga malalayong barangay. And also, nagpapasalamat kami kay Governor Alvarez dahil sa suporta niya sa mga proyekto ng DOH dito sa Palawan,” pahayag ni Asec. Laxamana ng DOH.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga taga-Balabac sa proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan at Department of Health.

Kami ay nagpapasalamat sa DOH at sa Provincial Government na magkakaroon ng sariling ospital ang Balabac. Sobra-sobra po ang maitutulong nito lalo na ‘yung mga residente rito na kapag nagkakasakit, kailangan pang sumakay ng bangka para makapunta sa pinakamalapit na ospital.  Nandito rin po ang LGU Balabac para tumulong at magbigay suporta sa lahat ng programa ninyo,” ani MSWDO Gapilango.

Inaasahan naman na matatapos ang konstruksyon ng Balabac District Hospital sa susunod na taon.