Groundbreaking ng Rural Health Unit at Barangay Health Station sa Balabac, naging matagumpay

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Matagumpay na isinagawa ang groundbreaking ceremony ng Rural Health Unit (RHU) sa Barangay Bancalaan, baya ng Balabac noong ika-5 ng Hunyo, taong kasalukuyan.

Ang konstruksiyon ng naturang 3-in-1 large-scale RHU ay magkatuwang na popondohan ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng kanilang trust fund at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na may kabuoang pondo na mahigit P11 Milyon.  Ito ay may sukat na 51meters (width) x 27 meters (length) at target na matatapos sa loob ng 300 calendar days.

Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Barangay Bancalaan dahil napili ang kanilang lugar na pagtayuan ng RHU lalo’t marami sa mga residente rito ay nangangailangan ng serbisyong medikal.

“Maraming salamat po sa Pamahalaang Panlalawigan at DOH dahil hindi nila kinalimutan ‘yung aming barangay para lagyan ng Rural Health Unit, sobrang malaki ang maitutulong nito.  Marami rito sa amin ang nagkakasakit tuwing tag-ulan,” ani Punong Barangay Rolly Reyes.

Samantala, kasunod ding isinagawa ang groundbreaking ceremony ng Barangay Health Station (BHS) na ilalagay sa Barangay Sibaring, bayan pa rin ng Balabac.

Ang single-storey BHS ay may kabuoang pondo na P1.9 Milyon na magkatuwang na popondohan ng DOH at Pamahalaang Panlalawigan. Ang nasabing BHS na may sukat na 8.95mx12.35m ay inaasahang matatapos sa loob ng 240 calendar days.

“Bukod kaming pinagpala ngayon dahil sa tulong ninyo sa amin. Sakali na matapos po itong health station ay hindi na mahihirapan ang mga residente rito na maghanap ng mga gamot kung sakaling magkasakit sila,” pasasalamat ni Punong Barangay Melvin Tolledo.

Ayon naman sa DOH, malaki ang gampanin ng barangay para maisakatuparan ang ganitong proyekto tulad ng pagtatayo ng mga Rural Health Unit at Barangay Health Station.

“We are really thankful dahil sa full support na ipinapakita ninyo, ‘yung pagtanggap ninyo sa amin sa inyong barangay. Of course, nariyan din ang suporta ng Palawan para tuluyan nating maihatid ang medical services sa mga malalayong barangay tulad nito,” dagdag ni Asst. Secretary Maria Francia Laxamana ng Department of Health.

Bukod kay Asec. Maria Francia Laxamana ay dumalo rin sa groundbreaking ceremony sina DOH Regional Director Mario Baquilod, Engr. Saylito M. Purisima, hepe ng Infrastructure Unit ng Pamahalaang Panlalawigan at ilang opisyales ng lokal na pamahalaan ng Balabac.