ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Munisipyo ng Narra, nakatakdang ipagdiwang

Blog Single

Nakatakdang ipagdiwang ngayong buwan ng Hunyo ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng munisipyo ng Narra na may temang “Narra: Limampung taon mula ng legal na maitatag, patuloy na susulong at magiging matatag.”

Ayon kay Narra Mayor Lucena Demaala, inaasahan ang engrandeng selebrasyon ngayong taon ng kanilang pagdiriwang.  Aniya, ang pagkakaiba ng selebrasyon ngayong taon ay mas nabigyan nila ito ng tutok dahil na rin sa pagpapaliban ng pagdiriwang ng Baragatan Festival na taon-taon din nilang pinaghahandaan.

Bahagi ng selebrasyon ang nakatakdang paglalagay ng kapsula sa harap ng munisipyo na naglalaman ng development plan ng bayan ng Narra at bubuksan lamang ang kapsula na ito makalipas ang limampung taon upang maihambing ang kaunlaran ng Narra sa nakalipas na mga taon.

Samantala, ilan sa mga nakahanay na aktibidad para sa selebrasyon ay ang pagsasagawa ng Inter-Barangay Olympics, Badminton Tournament, Inter-Agency Color Fun Run, Narra Golden Jubilee Concert, Fireworks Display at Katala Festival. 

Ang bayan ng Narra ay tanyag bilang rice granary ng Palawan at Katala Capital of the World.  Mayaman din ito sa produksyon ng mais. Sa bisa ng Republic Act 5642 na naisabatas noong ika-20 ng Hunyo, taong 1969 ay naging ganap na munisipalidad ang bayan ng Narra.  Ito ay mayroong 23 nasasakupang barangay at mula taong 1970 ay limang alkalde na ang nanungkulan sa bayang ito.