NCCA, katuwang sa pagpapayaman at pagpapanatili ng Sining at Kultura ng Palawan

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Magkatuwang na itinaguyod ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang isang pagsasanay na makatutulong upang mas mapayaman at mapanatili ang makulay na sining at kultura ng lalawigan ng Palawan mula sa iba’t ibang aspeto nito.

Sa isinagawang Workshop on Documentation and Consolidation of Data for Local Cultural Inventories na ginanap noong ika-10 hanggang ika-11 ng Hunyo, taong kasalukuyan sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo ay aktibong nakilahok ang nasa mahigit limampung (50) municipal tourism officers, cultural officers gayundin ang mga guro at mga lokal na opisyales sa lalawigan.

Ayon kay G. Ferdinand Isleta, arts section head mula sa NCCA, pangunahing layunin ng aktibidad na ito na makipagtulungan sa mga pamahalaan lokal lalo’t higit iyong mga lugar na mayaman sa kasaysayan at kultura.

“Isa sa ginagawa natin ngayon, itong program natin sa PRECUP (Philippine Registry of Cultural Property) lalo na kasama natin itong ating mga local government units kasi mahalaga itong mga tinatawag nating partners, itong mga LGUs, academe sa iba’t ibang panig ng bansa, ay silang dapat mangalaga ng kanilang sariling sining at kultura. So, nandirito kami para sila ay makausap para iparamdam sa kanila ang kanilang halaga bilang naninirahan doon sa bayan na ‘yon, at paano nila maga-gather ang yaman ng kanilang bayan at paano nila ito maipagmamalaki, at the same time ma-guide sila sa pagpapanatili nito,” ani G. Isleta.

Bukod sa pagsasanay at iba pang gawaing pansining ay bahagi rin ng kanilang programa ang pag-aalok ng mga tulong pinansyal o cash grants mula sa NCCA na makatutulong upang maisakatuparan ang mga adhikaing pansining at kultural sa mga lokalidad ng bansa sa pamamagitan ng NCCA Competitive Grants Project.

“Umiikot kami ngayon sa iba’t ibang panig ng Pilipinas para mag-invite ng mga prospective partners from mga local government units, from the educational institution, civil society organizations and also from academe para maging bahagi ng NCCA at maging partner at mai-present sa kanila kung ano ang mga priority projects ng NCCA at kung paano sila makaka-avail both ng financial assistance at technical assistance.”

Samantala, ilan pa sa tinalakay sa naturang workshop ay ang patungkol sa mga batas na sumasaklaw sa pagpapalawig ng kultura ng bansa gayundin ang istilo ng pananaliksik ng mga tagong yaman at kung paano ito mapapangalagaan.

Ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) o Pambansang Komisyon ng mga  Kultura at Sining ay ang opisyal na ahensiya sa ilalim ng tanggapan ng pangulo na may mandato na  itaguyod, panatilihin at pagyamanin ang kultura at sining ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagsulong ng mga polisiya at batas gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, institusyon at tanggapan.