Subasta Publiko isasagawa ng Tangapan ng Ingat Yaman ng lalawigan sa munisipyo ng Aborlan

Blog Single

Nakatakdang magsagawa ng Subasta Publiko ang Tangapan ng Ingat Yaman ng Lalawigan sa munisipyo ng Aborlan sa darating na ika-5 ng Hulyo, taong kasalukuyan. 

Sa pabatid ni Provincial Treasurer Elino P. Mondragon, inaanyayahan niya ang mga mamamayan na interesadong lumahok sa subastahan na magparehistro sa kanilang tangapan sa Kapitolyo simula sa ika-17 ng Hunyo hanggang ika-24 ng buwang kasalukuyan.

Ang mga magpaparehistro ay may kaukulang halagang babayaran tulad ng mga sumusunod: P1,000 para sa rehistrasyon, P500 para sa pagproseso, at P1,000 rin para sa hihiling ng ocular inspection ng mga ari-arian na isusubasta.

Mayroong 29 na mga ari-arian ang isusubasta na matatagpuan sa mga barangay ng Apoc-Apoc, Apurawan, Barake, Gogognan, Iraan, Magsaysay at Plaridel. Bibigyan pa rin ng pagkakataon ang mga may-ari ng mga isusubastang ari-arian na tubusin ang mga ito bago sumapit ang araw ng pagsubasta. Kahit mayroon nang nanalo na bidder, binibigyan pa rin ang may-ari ng isang taon na palugit upang mabawi ang kanyang ari-arian basta’t mabayaran niya ang kaukulang halaga at penalty.

Ang subasta ay gaganapin sa Ramon Magsaysay Municipal Covered Gym sa bayan ng Aborlan.  Ito ay magsisimula sa ganap na alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Para sa karagdagang impormasyon, magsadya lamang sa Tangapan ng Ingat-Yaman ng munisipyo ng Aborlan o sa Tangapan ng Ingat-Yaman ng Lalawigan.