Pagtitipon ng mga Child Development Workers sa Palawan, matagumpay na ginanap

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Mahigit 900 child development workers sa buong Palawan ang nakilahok sa ginanap na Child Development Workers Forum na may temang “Child Development Workers (CWD): Katuwang Tungo sa Magandang Kinabukasan ng Kabataan.”

Ang naturang pagtitipon ay matagumpay na idinaos noong ika-13 hanggang ika-14 ng Hunyo taong kasalukuyan sa Citystate Asturias Hotel, lungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ng Palawan Day Care Worker’s Federation Inc. (PDCWFI) katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

Ang pagbubukas ng aktibdad ay dinaluhan ng ilang mga panauhing pandangal mula sa Pamahalaang Panlalawigan na kinabibilangan nina Board Members Eduardo Modesto V. Rodriguez at Cherry Pie Acosta bilang kinatawan ng gobernador.  Naroon din ang ilang bisita mula sa Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) sa pangunguna ni OIC- Regional Director Floreceli G. Gunio ng DSWD-MIMAROPA.

Ayon kay Gng. Jennifer C. Dioso, pangulo ng PDCWFI, pangunahing layunin ng aktibidad na ito na itipon ang lahat ng mga child development workers sa Palawan upang mabigyan ng mga bagong kaalaman gayundin ng mga updates sa kanilang propesyon.

“Ito ‘yong panahon na nagkakasama-sama ‘yong lahat ng mga child development workers dito po sa lalawigan ng Palawan at the same time po, nagkakaroon kami ng karagdagang kaalaman dahil po sa ini-invite po naming mga speakers na kung saan ibinabahagi nito na related doon sa mga gawain namin bilang day care worker,” pahayag ni Gng. Dioso.

Bahagi rin ng isinagawang pagtitipon ang pagbigay ng ulat ng pederasyon para sa mga miyembro nito kabilang na ang financial reports at federation updates. Binigyan din ng parangal ang mga child development workers na nagpamalas ng kanilang angking sipag at dedikasyon sa kanilang tungkulin mula sampu (10) hanggang tatlumpung taon (30) paglilingkod.  Ang mga pinarangalan ay tumanggap ng Certificate of Recognition kaakibat ang cash incentives.

Ilan sa mahahalagang paksa na ibinihagi ng mga naimbitahang resource speakers ay ang patungkol sa Orientation on Prevention, Early Detection, Identification, and Intervention of Disabilities among Children na tinalakay ni Bb. Felicite Jean F. Gonzales mula sa Philippine Association for Citizens with Development and Learning Disabilities; The Power of Positive Thinking na ibinahagi ni Dr. Mary Grace R. Roxas mula sa Polytechnic University of the Philippines; at Child Protection na tinalakay ni Bb. Nancyline Agaid mula sa Stairway Foundation, Inc.

Ayon kay Reg. Dir. Floreceli G. Gunio ng DSWD-MIMAROPA, malaki ang gampanin na ibinibigay ng mga child development workers sa isang komunidad bilang pangunahing tagapagbigay ng karunungan sa mga bata.

“Ang child development service, ito ang pangunahing programa na angkop sa mga kabataan bago pumasok sa formal education ang isa bata. Ito rin ang panahon kung saan ang buong pagkatao ng isang bata ay nahuhubog on physical aspect gayundin ang social and emotional development, at ang pangatlo is speech and language development at higit sa lahat ang values development. So, kaya ang mga child development workers natin sila talaga ang nagsisilbing pangalawang magulang o nanay ng ating bata.”

Samantala, nakadagdag kulay rin sa naturang gawain ang sayang hatid ng folk dance competition na ginanap sa unang gabi ng aktibidad kung saan nagpakitang gilas ang mga child development workers ng kanilang mga katutubong sayaw.

Ang pagdaraos ng taunang Child Development Forum sa Palawan ay bahagi ng programa ng child development service sa ilalim ng pamahalaang lokal ng mga munisipyo. Katuwang sa pagtataguyod nito ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at DSWD. Ito ay isang mainam na istratehiya upang mas mapalawig ang dedikasyon ng mga child development workers sa pagganap ng kanilang tungkulin bilang katuwang sa paghahatid ng kalinga sa pamamagitan ng serbisyong pang-edukasyon sa mga kabataang Palaweño.