Pitong kawani ng PPDO, pumasa sa Environmental Planner Licensure Exam

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Pumasa sa June 2019 Environmental Planner (EnP) Licensure Examination ang pitong kawani ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

Kinabibilangan ito nina Rafael Balcueba Jr., Filbert Paduga, John Paul S. Aguilar, Ivan Cris Romero, Kathleen Aisa P. Escosura, Jamie A. Lagrada at Hyacinth A. Ecube. Ang kanilang pagkakapasa ay ikinatuwa ng hepe ng PPDO sa katauhan ni Gng. Ninfa B. Rubio. Aniya, malaki ang maitutulong nito dahil mas magiging epektibo at mas mapapabilis ang paggawa ng mga pagpaplano.

“We are fortunate and we are proud to have seven new Environmental Planners. Eleven na ang Environmental Planners ng PPDO at almost 100 percent na yun ng technical team.  So, with these eleven EnPs, mas proficient, mas efficient at saka mas mapa-fast track ang paggawa ng mga plano natin,”pagmamalaki ni Provincial Planning and Development Coordinator Rubio.

“Ito [ay] bilang pagtugon sa bagong batas [na] ipinapatupad na ma-regulate at ma-professionalize ‘yung ating planning process. So, marami tayong mga development plans na pini-prepare,” ani G. Paduga, isa sa pitong pumasa mula sa PPDO.

Ayon pa sa kanila, hindi naging madali ang kanilang preparasyon sa pagkuha ng eksaminasyon dahil kinakailangan nilang pagsabayin ang pag-aaral at mga gawain sa opisina. Lubos din ang kanilang naging pasasalamat sa suportang ibinigay ng kanilang mga ka-trabaho.

“Very thankful kami kay Ma’am Ninfa dahil sa sobrang support niya sa amin. Dahil mayroon na kaming license, makakatulong na kami ng husto sa pag-review [at] pag-prepare ng mga land use plans, mga development plans na malaking tulong, malaking impact … para sa development ng isang lugar,” kuwento ni Bb. Escosura, project development officer ng PPDO.

Ang pagkakapasa nila bilang mga bagong lisensyadong Environmental Planners ay patunay lamang na sapat ang kanilang kakayanan na gampanan ang kanilang mga trabaho bilang mga empleyado ng PPDO ng Kapitolyo.

“It shows na kahit papaano ay mayroon kaming kinakailangan na legal background and siguro sabihin na natin understanding kung paano namin mas matutugunan at mas magagawa ang mga development plans natin at kung paano natin sila mas mai-coordinate sa iba pang mga LGUs,” paliwanag naman ni Bb. Lagrada.

Ilan sa mga sakop ng eksaminasyon ay ang kasaysayan, konsepto, teorya ng environmental planning, environmental planning process, methods at strategies at ang implementasyon ng environmental plan.

Ang pagsasagawa ng eksaminasyon ay alinsunod sa Batas Republika 10587 o ang Environmental Planning Act of 2013.