12 drug surenderees nagtapos sa programa ng Balay Silangan sa bayan ng Sofronio Espaņola

Blog Single

Labingdalawang drug surrenderees ang nagtapos sa tatlumpong araw na programa ng Balay Silangan noong nakalipas na ika-11 ng Hunyo sa Pulot Shore, bayan ng Sofronio Española. Sa pamamagitan ng Balay Silangan ay sumailalim sila sa apat na linggong pagsasanay at mga seminar na makakatulong sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.

Ang nabanggit na pasilidad ay naisakatuparan base na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Dangerous Drugs Board (DDB) Regulation No. 2 series of 2018 na dapat ay magkaroon ng programa ang mga lokal na pamahalaan para sa mga sumusukong indibidwal na biktima ng iligal na droga. Kabilang din sa programa ang mga gumagamit at dating nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot na nais na makabalik sa normal na pamumuhay upang maging kapaki-pakinabang sa kanilang komunidad.

Maliban sa bayan ng Sofronio Española ay mayroon na ring mga Bahay Silangan na matatagpuan sa mga bayan ng Quezon, Roxas at San Vicente. Inaasahan naman na sa mga susunod na panahon ay magkakaroon na rin nito sa iba pang mga munisipyo.

Katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng programa ang Department of Social Welfare and Development o DSWD, Technical Education Skills Development Authority (TESDA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Department of Trade and Industry (DTI) Probation and Parol at Department of Justice (DOJ).