Rabies-Free MIMAROPA, target sa taong 2020

Blog Single

Nagpapatuloy ang isinasagawang massive rabies vaccination ng Department of Health, Department of Agriculture at Department of Interior and Local Government upang makamit ang  layuning maideklarang Rabies-Free ang rehiyong MIMAROPA sa taong 2020, na kung saan ay kabilang ang lalawigan ng Palawan.

Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ng massive vaccination ang Provincial Veterinary Office sa mga bayan ng Narra at Roxas mula sa Hunyo 24 hanggang 26, taong kasalukuyan.

“Pinili natin yung dalawang munisipyo na may presence ng rabies… Ito yung bayan ng Narra at Roxas… Sa June 23, magsasagawa tayo ng meeting kaugnay nito and then sa June 24 onwards, doon na yung mismong activity natin… Noon, nagkaroon ng kaso yung Aborlan pero agad naman natin itong na-control” ani Dr. Juanito Pio Lledo, hepe ng Provincial Veterinary Office.

Bukod dito ay magsasagawa rin ng malawakang serbisyo at aktibidad katulad ng libreng pagkakapon, ligation, registration ng alagang hayop, paggagamot ng sakit at pagbabakuna sa iba pang mga alagang hayop tulad ng pusa.

“Ito ay pamamaraan para sa population control… Kailangan din na maging responsible yung mga nag-aalaga ng aso para maiwasan yung pagkalat ng rabies… tuluy-tuloy yung activities natin nauna lang yung Puerto Princesa…” dagdag pa ni Dr. Lledo.

Nananawagan naman ang Provincial Veterinary Office na makipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Narra at Roxas upang mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa kanilang bayan.

“Gusto kong manawagan sa mga namumuno na parating po yung team natin na magsasagawa ng malawakang pagbabakuna at pagkakapon, mangyari po sana na bigyan natin ng pansin para maging successful itong aktibidad… mayroong target na 200 heads sa Roxas at 200 heads sa Narra… Sa mga barangay kapitan, municipal veterinary aide at barangay tanod, na tulungan yung ating team. Pagtatapos ni Dr. Lledo, provincial veterinarian.