Inaasahang dalawang daang mga opisyales at miyembro ng iba’t ibang kooperatiba sa lalawigan ng Palawan ang magtitipon-tipon sa dalawang araw na 9th Provincial Cooperative Convention na gaganapin sa ika-12 hanggang ika-13 ng Oktubre, taong kasalukuyan sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo.

Kaugnay nito ay abala ang Provincial Cooperative Development Council (PCDC) katuwang ang Provincial Cooperative Development Office (PCDO) ng Pamahalaang Panlalawigan sa paghahanda sa naturang kumbensiyon na may temang “Palawan Coops: Exceeding the Limits, Aiming Excellence.”

Sa inihandang programa, naanyayahang magbigay ng mensahe sina Gob. Jose Ch. Alvarez at Regional Director Salvador V. Valeroso ng Cooperative Development Authority-Region IV. Samantala, ang mga paksang tatalakayin ng mga naimbitahang tagapagsalita ay ang sumusunod: Cooperative’s Development Perspective na ibabahagi ni Dir. Valeroso; Tax Incentives and Requirements for Cooperatives na tatalakayin ng kinatawan mula sa Bureau of Internal Revenue; Best Practices & Collaborative Health Program na ibabahagi ni Dr. Alvin Timbancaya ng MMG-Cooperative Hospital; Business Opportunities for Coops; at Success Story of a Coop Merger at iba pa.

Isa sa mga isinusulong ng PCDC ay ang pagsasama ng mga maliliit na kooperatiba sa mas matatag at malalaking kooperatiba na may kahalintulad na negosyo. Ipinaliwanag ni Provincial Cooperative Development Officer Victoria Ladica na mas magiging malaki ang benepisyo nito sa mga maliliit na kooperatiba lalo na pagdating sa pamamahala ng kanilang mga proyekto.