Umabot sa 95 katao na pawang kababaihan ang nailigtas ng mga operatiba ng Provincial Inter_Agency Council Against Trafficking in Persons (PIACAT) sa huling sampung buwan mula Nobyembre 2015 hanggang Setyembre, taong kasalukuyan. Ito ay base sa ulat na iprinisenta ni Atty. Teodoro Jose Matta, Provincial Legal Officer at Vice Chairman ng PIACAT-Palawan, kay Kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment na bumisita sa lalawigan noong ika- 13 ng Setyembre taong kasalukuyan.

Sa kasalukuyan ay sampung kasong kriminal na ang nakalagak sa iba’t ibang sala ng Regional Trial Court kaugnay sa illegal recruitment at trafficking in persons kung saan biktima ang mga nailigtas na biktima.

Ang paggamit ng Palawan bilang backdoor exit ng mga illegal recruiters at traffickers ang dahilan sa pagtaas ng bilang ng mga nasakote, paliwanag ni Atty. Matta.

Samantala, napapanahon ang ginawang pagbisita ni Sec. Bello sa Palawan, pahayag ni Gng. Abigail Ablana, hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). Aniya, mahalaga ang pagbisita ng Kalihim upang maipagbigay-alam sa pamahalaang nasyunal ang kasalukuyang sitwasyon ng Palawan at upang agarang matugunan ng kanilang Kagawaran ang suliranin na kinakaharap ng Palawan.

Sa kasalukuyan ay mayroong 29 kababaihan nag-eedad 20 hanggang 40 mula sa ibat-ibang bahagi ng bansa ang nasa pangangalaga ng PSWDO. Ang mga ito ay mga biktima ng human trafficking na na-rescue noong ika-4 ng Setyembre, taong kasalukuyan sa munisipyo ng Bataraza. Sila ay mga biktima ng illegal recruitment at human trafficking na patulak sana sa bansang Malaysia na walang kaukulang dokumento.

Sila ay kinakalingan g PSWDO sa pamamagitan ng pagbibigay ng pansamantalang tirahan, probisyon ng pagkain gayundin ang medical check-up at counseling habang inihahanda ang kanilang pagbalik sa kani-kanilang probinsiya.

Ayon pa kay Gng. Ablana, mas mapapaigting na ngayon ang kampanya kontra illegal recruitment at human trafficking sa pamamagitan Memorandum Of Agreement (MOA) na nilagdaan sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at DOLE patungkol sa Anti-illegal Recruitment and Human Trafficking-in-Persons Convergence kasabay ng pagbisita ni Sec. Bello.