Matapos na isagawa ang 9th Philippine Councilors League (PCL)-Palawan Federation Provincial Election noog ika-14 ng Setyembre taong kasalukuyan ay naiproklama bilang bagong pangulo ng PCL-Palawan Federation si Kon. Clarito Prince Demaala IV na kasalukuyang miyembro ng sangguniang bayan mula sa Narra, Palawan.

Mula sa 23 munisipyo ng Palawan ay nakakuha si konsehal Demaala ng 111 na boto laban sa katunggaling si Kon. Helson “Benjie” Gonzales ng El Nido na may naitalang boto na 103.

Ang naturang eleksyon ay pinangunahan ni Provincial Director Mario C. Daquer ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Palawan. Bago ang pormal na botohan ay ipaliwanag muna ni G. Daquer ang mga alituntunin patungkol sa halalan.

Naroon sa isinagawang halalan at nagsilbing panauhing pandangal si Hon. Benito Brizuela, Interim PCL National Executive Vice-President at kasalukuyang konsehal ng Lunsod ng Lucena.

Samantala, si Kon. Clarito Prince Demaala IV ay nakatakdang umupo bilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan na siya namang kakatawan sa liga ng mga konsehal sa Palawan.

Ang 9th PCL Provincial Election ay bahagi ng isang linggong aktibidad ng PCL Palawan Federation Week na nagsimula noong ika-8 ng Setyembre taong kasalukuyan.

Sa kasalukuyan ay may 215 kabuuang bilang na miyembro ang Philippine Councilors League sa buong lalawigan ng Palawan na patuloy na naglilingkod sa kanilang mga kababayan sa pamamgitan ng paggawa ng mga ordinansa na magpapaunlad ng kanilang nasasakupang munisipyo.