607 NA MGA PALAWENO MULA SA APAT NA BAYAN SA LALAWIGAN, NAPAGKALOOBAN NG LIBRENG DENTAL PROCEDURES NG DO .IT HELP TO SMILE OUTREACH PROGRAM
Umabot sa 607 na mga Palaweño ang napagkalooban ng libreng dental procedures ng Do .It Help To Smile Organization katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) at ang mga tanggapan nina Board Members Juan Antonio E. Alvarez at Roseller S. Pineda sa isinagawang dental outreach program nitong nakalipas na Agosto 07-13, 2023.
Ang nasabing mga benepisyaryo ay pawang residente mula sa apat na mga bayan sa lalawigan kabilang ang Taytay, Roxas, San Vicente at Linapacan kung saan 546 sa mga ito ang napagkalooban ng libreng bunot o dental extraction habang ang 61 naman ay sumailalim sa tooth pasta o dental filling.
Layunin ng nasabing dental outreach na mailapit sa mga Palaweño ang libreng serbisyong medikal bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng sektor ng kalusugan na isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Gob. V. Dennis M. Socrates.
Ang pagsasakatuparan ng dental outreach program ay naging matagumpay sa pakikipagtulungan ng Western Command (WESCOM) Armed Forces of the Philippines (AFP) Dental Team, at volunteer private dentist practitioners gayundin ang mga Local Government Units (LGUs) ng mga nabanggit na bayan.
Samantala, taos puso naman ang pasasalamat ng mga naging benepisyaryo sa naturang aktibidad.

