BASAHIN: 1ST FESTIVAL OF PALAWAN FRUITS, INILUNSAD SA KAPITOLYO

Opisyal nang inilunsad ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ang “1st Festival of Palawan Fruits” ngayong araw, Setyembre 06, 2023 kung saan samu’t saring sariwang mga prutas mula sa mga magsasaka sa lalawigan ng Palawan ang itinampok dito na ginanap sa Centennial Pavilion ng kapitolyo.

Naging katuwang ng OPA sa pamumuno ni Dr. Romeo M. Cabungcal ang Palawan Tarabidan Multi-Purpose Cooperative sa pangunguna ni Gng. Socorro S. Tan, Chairman, Board of Director ng Palawan Tarabidan MPC bilang KADIWA MIMAROPA Official Outlet.

Kabilang sa mga itinampok ay ang iba’t ibang uri ng prutas gaya ng lanzones, rambutan, langka, durian, native durian, marang, tabo, badak, guyabano, suha-pomelo, dragon fruit at saging. Mayroon ding iba’t ibang uri ng forest fruits gaya ng palau manok at palau baboy, mararing at iba pa gayundin ang ilang endemic fruits o mga prutas na matatagpuan lamang sa lalawigan na ipinagbili sa publiko sa abot kayang halaga.

Ayon kay Dr. Cabungcal, layunin ng aktibidad na maipaalam sa mga mamamayan na sagana ang lalawigan ng Palawan sa iba’t ibang prutas gayundin upang matulungan ang mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang mga dekalidad at organic na produkto sa tamang presyo. Aniya, kaakibat din umano ng programa na matulungan at maitaas ang nutrisyon sa lalawigan.

“Bakit po tayo nagkaroon ng 1st Festival of Palawan Fruits? Kasi po nakita natin na sobrang naging abundant ‘yong ating mga fruits particularly sa Southern Palawan. Kaya tayo nagkaroon ng ganito para ipaalam din natin na we have abundant fruits in Palawan,” ani Dr. Cabungcal.

Sa mensahe naman ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Enting, pinuri nito ang OPA sa paglulunsad ng nasabing proyekto na kauna-unahan umano sa buong rehiyon ng MIMAROPA. Ibinahagi rin nito ang mandato ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture na mapataas ang produksiyon ng iba’t ibang agricultural products kabilang na ang high value products. Hinikayat din nito ang lahat ng mga ahensiyang may kinalaman sa sektor ng agrikultura na patuloy na tulungan lalo’t higit ang maliliit na mga magsasaka at mangingisda.

“Actually, this is the first time po sa MIMAROPA na nagkaroon po tayo ng festival of fruits, ngayon lang po dito sa Palawan. So, congratulations po. In behalf po of our President and at the same time Secretary of Department of Agriculture, ito po ay isa sa mandato ng ating secretary na pataasin po ang produksiyon hindi lamang ng palay at mais pero pati po sa ating mga high value commercial crops lalong lalo na nitong ating mga prutas,” ani RED Enting.

Sa mensahe naman ni Gng. Tan, ibinahagi nito ang magandang ugnayan nila ng OPA at DA-MIMAROPA sa adhikaing matulungan ang mga magsasaka’t mangingisda sa lalawigan sa pagpapataas ng kanilang mga kita.

Samantala, inaasahan na ang samu’t saring prutas ay maaari nang mabili kaalinsabay ng regular na pagsasagawa ng ‘Barakalan sa Kapitolyo’ tuwing araw ng Miyerkules kung saan mabibili rin dito ang iba’t ibang uri ng sariwa at masusustansiyang gulay, poultry products, nuts, dried products at marami pang iba.

Dumalo sa aktibidad sina Provincial Legal Officer Atty. Joshua U. Bolusa bilang kinatawan ni Gob. V. Dennis M. Socrates, Bise Gob. Leoncio N. Ola kasama sina Board Members Ariston D. Arzaga, Juan Antonio E. Alvarez, Nieves C. Rosento, Ryan D. Maminta, Maria Angela V. Sabando at Marivic H. Roxas gayundin sina DILG Provincial Director Virgilio Tagle, department heads ng Pamahalaang Panlalawigan at mga kinatawan ng iba pang tanggapan ng pamahalaan.

Kaugnay nito, nanawagan din si Dr. Cabungcal sa publiko na patuloy na tangkilikin ang mga nasabing produkto upang matulungan ang mga Palawe├▒o na nasa sektor ng agrikultura.