BASAHIN: ISANG ISKOLAR NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, PASADO SA MEDICAL TECHNOLOGIST LICENSURE EXAMINATION

Pasado ang isang iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan na si Roxanne B. Montejo mula sa bayan ng Brooke’s Point sa isinagawang Medical Technologist Licensure Examination na ginanap nitong buwan ng Agosto 2023.

Ang nasabing bagong medical technologist ay tinulungan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng SPS Alay sa Kabataan – Programang Pang-Edukasyon para sa Palaweño na ang pangunahing layunin ay makapagbigay ng tulong sa mga karapat-dapat na mga estudyante na nais kumuha ng kursong medisina at iba pang medical-related courses gaya ng Bachelor of Science in Medical Technology.

Ayon kay Gng. Maria Victoria B. Baaco, Program Manager ng SPS Alay sa Kabataan, ang naturang iskolar ay kabilang na sa 3rd batch ng BS in Medical Technology scholars ng Pamahalaang Panlalawigan kung saan may kabuuan ng 9 ang matagumpay na nakapasa sa nasabing eksaminasyon mula sa unang batch nitong nakalipas na taong 2022.

Isa rin sa mga layunin sa pagkakaloob ng naturang scholarship ay ang hangarin ni Gob. V. Dennis M. Socrates na lalo pang mapalakas ang sektor ng kalusugan sa lalawigan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng karagdagang medical professionals sa Palawan na inaasahang maglilingkod sa mga susunod na araw sa mga ospital na pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan sa iba’t ibang munisipyo bilang pagbabalik serbisyo sa mga Palaweño.