BASAHIN: TRAINING-WORKSHOP KONTRA MALNUTRISYON, ISINAGAWA NG PROVINCIAL NUTRITION OFFICE
Nagsagawa ng tatlong (3) araw na Malnutrition Reduction Training-Workshop para sa mga Barangay Environment, Agriculture Nutrition Scholars (BEANS) ang Provincial Nutrition Office (PNO) ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates.
Layunin ng training-workshop na dinaluhan ng mga BEANS mula sa bayan ng Brooke’s Point na lalo pang mapababa ang kaso ng malnutrisyon sa mga sanggol at mga bata sa lalawigan. Partikular na itinuro sa mga BEANS ang DOST PINOY (Package for the Improvement of Nutrition of Young Children) na mayroong pitong modules: Batayang Nutrisyon; Pagpapasuso; Maayos at Ligtas na Pagbubuntis; Pagbibigay ng Karagdagang Pagkain; Meal Plan; Ligtas na Pagkain, at Gulayan sa Bakuran.
Ayon kay Provincial Nutrition Action Officer Rachel T. Paladan, sa pamamagitan umano ng nasabing workshop ay mas napaigting ang kaalaman ng mga BEANS partikular sa DOST PINOY na maaari nilang maibahagi sa mga magulang sa kanilang mga lugar.
“Inaasahan natin na sa pagbalik ng ating mga Barangay Environment, Agriculture and Nutrition Scholars sa kani-kanilang barangay ay maituturo nila sa mga nanay ang mga natutunan tungkol sa DOST PINOY,” ani Paladan.
Nagsagawa rin ng Return Demonstration sa paghahanda ng masusustansya at balanseng pagkain ang mga BEANS bilang bahagi ng pagsasanay.
Ginanap ang training workshop sa Flor De Musa Inn, lungsod ng Puerto Princesa mula Setyembre 5 at nagtapos ngayong araw, Setyembre 7 sa pakikipagtulungan ng Ipilan Nickel Corporation bilang bahagi ng kanilang Social Development and Management Program 2023.

