2023 PROVINCIAL CHILDREN'S CONGRESS, MATAGUMPAY NA NAISAGAWA NG PSWDO

Matagumpay na naisakatuparan ang 2023 Provincial Children’s Congress sa pangangasiwa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na ginanap noong ika-21 ng Nobyembre, sa Ala Amid Bed and Breakfast, lungsod ng Puerto Princesa.

Ang Provincial Children’s Congress ay bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Universal Children’s Month alinsunod sa RA 10661 o ang “National Children’s Month Act.”

Dalawampu’t walong (28) mga kabataan ang nakibahagi sa aktibidad na binubuo ng mga Municipal Councils for the Protection of Children (MCPC) Child Representatives sa lalawigan, mga kinatawan mula sa Children Sectoral Organizations, ilang residente ng Bahay Pag-asa Youth Center (BPYC) at Lualhati Women Center (LWC).

Kasabay ng aktibidad ay nagkaroon din ng halalan upang maitalaga ang Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) Child Representative at Sectoral Child Representative kung saan naihalal si Myka Angela Fronda bilang PCPC Child Representative at si Azlinawati Enting bilang Sectoral Child Representative na kapwa mula sa bayan ng Rizal, Palawan.

Nagkaroon din ng oryentasyon patungkol sa ‘Mahalin at Kalingain ang ating mga Bata’ o MAKABATA Helpline 1383 na tinalakay ni Regional Sub-Committee for the Welfare of Children (RSCWC) Coordinator Erica V. Bautista. Sa helpline na ito maaaring magsumbong ang mga kabataan tungkol sa anumang uri ng pang-aabuso at pagsasamantala.

Ipinaliwanag naman ni Education Program Specialist Grace Estefano ng DepEd Palawan sa mga bata ang ilang DepEd Child Protection Policies at iba pang batas na nagpoprotekta sa mga bata.

Pinaalalahanan naman ni PSWD Officer Abigail D. Ablaña ang mga batang partisipante na ibahagi ang kanilang mga natutunan sa mga kapwa nila bata sa kanilang munisipyo.

“Sana yung mga natutunan ninyo ay i-share niyo rin sa mga kapwa bata ninyo sa pagbalik ninyo sa lugar ninyo and ‘yung mga kasama naman nating nasa center pupwede niyo ‘yan gamitin sa mga darating na panahon para mas maprotektahan at mapangalagaan natin ang mga sarili natin,” ani Ablaña.

Nagbigay din ng mensahe at suporta si Gob. V. Dennis M. Socrates sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Executive Assistant IV Ma. Elizabeth Sabando kung saan binigyang diin nito ang pangako ng ating gobernador na poprotektahan at iisulong ang kapakanan ng mga bata sa lalawigan at patuloy na itataguyod ang hustisya para sa mga ito.