PAGSASAGAWA NG 'MINING INDUSTRY SUMMIT' SA LALAWIGAN, SUPORTADO NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN
Suportado ng ika-44 Sangguniang Panlalawigan ang hangarin ni Gob. V. Dennis M. Socrates na magsagawa ng komprehensibong talakayan sa pamamagitan ng gaganaping ‘Mining Industry Summit’ sa lalawigan na nauna nang tinuran ng gobernador sa kanyang 2nd State of the Province Address (SOPA) nitong nakalipas na buwan ng Agosto taong kasalukuyan.
Ito ay sa bisa ng inaprubahang resolusyon na may titulong ‘Resolution Expressing Full Support to the Proposal and Call of Governor Victorino Dennis M. Socrates to Hold a Mining Industry Summit in the Province of Palawan na iniakda ni Board Member Ryan D. Maminta sa ginanap na regular na sesyon nitong Nobyembre 21, 2023.
Ayon kay BM Maminta, layunin ng nasabing inisyatibo na magkaroon ng malalim na dayalogo sa pagitan ng lahat ng mga stakeholders kabilang ang mga opisyales ng pamahalaan, industry experts, environmentalists, local communities at Indigenous Peoples (IPs) sa lalawigan upang makapagbalangkas ng mga nararapat na polisiya hinggil sa organisadong pamamahala ng mining industry sa lalawigan. Mainam umano kung ito ay gaganapin sa unang bahagi ng susunod na taon.
“If we will recall, the good governor during his State of the Province Address stated a mining industry summit in order to discuss matters and everything about mining industry in Palawan and to bring together key stakeholders including government officials, industry experts, environmentalists, local communities and indigenous peoples to engage in a constructive dialogue on the future of mining sector in the province of Palawan,” ani Maminta.
Iminungkahi naman ni BM Rafael V. Ortega, Jr. na bago umano isagawa ang naturang talakayan ay mainam na maipasa muna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang scientific data hinggil sa carrying capacity ng mining sa Palawan na siyang magiging pangunahing batayan sa gaganaping talakayan.

