GOB. SOCRATES, PINANGUNAHAN ANG 2ND FULL COUNCIL MEETING NG PROVINCIAL DEVELOPMENT COUNCIL KAUGNAY SA PAG-APRUBA NG MGA PLANO AT PROGRAMANG PANGKAUNLARAN SA PALAWAN PARA SA TAONG 2024-2030
Pinangunahan ni Gob. V. Dennis M. Socrates bilang Chairperson ng Provincial Development Council (PDC) ang matagumpay na PDC 2nd Full Council Meeting na ginanap nitong nakalipas na Nobyembre 29, 2023 sa VJR Hall ng kapitolyo.
Tinalakay sa pagpupulong ang mahahalagang agenda kabilang ang Approval of Provincial Enhanced Local Climate Change Action Plan (ELCCAP) CY 2024-2030; Provincial Development and Physical Framework Plan (PDPFP) CY 2024-2030; Approval and Adoption of the Updated Provincial Development and Investment Program CY 2024-2030 gayundin ang 5th Supplemental Investment Program for CY 2023.
Naging sentro ng pagpupulong ang paglalahad at pag-apruba sa mga komprehensibong plano na nakapaloob sa PDPFP CY 2024-2030 na masusing pinag-aralan ng konseho kung saan ipinapakita ang strategic roadmap para sa kaunlaran ng lalawigan sa susunod na anim na taon.
Kasama ring inaprubahan ang mahahalagang bahagi nito na ELCCAP CY 2024-2030 at Updated Provincial Development and Investment Program CY 2024-2030.
Tatlumpu’t dalawa (32) mula sa apatnapu’t tatlong (43) miyembro ng konseho ang dumalo sa nasabing pulong. Ang mga miyembro nito ay binubuo ng Sangguniang Panlalawigan members, kinatawan ng tatlong kongresista sa lalawigan, Municipal Mayors, Department Heads at mga representante ng iba’t ibang sektor at civil organizations sa lalawigan. Dumalo rin ang ilang LGU officials na nagpakita ng suporta at lumahok sa mga usapin patungkol sa mga plano ng pamahalaan para sa kaunlaran ng lalawigan.
Samantala, sa hiwalay na sesyon na ginanap ay iprinisinta naman ni Provincial Planning and Development Coordinator Sharlene D. Vilches ang mga nilalaman ng PDPFP sa 4th Quarterly Meeting ng Regional Land Use Committee (RLUC). Dito ay pinuri ni RLUC Chairperson, NEDA Regional Director Agustin C. Mendoza ang Pamahalaang Panlalawigan dahil sa maiksi ngunit komprehensibong presentasyon nito. Kinilala rin ni RD Mendoza ang pagsasaalang-alang ng PDPFP hindi lamang ng kaunlaran para sa Palawan kundi maging ang kontribusyon at magandang maidudulot nito sa iba pang lalawigan sa rehiyon ng MIMAROPA.
Dahil sa unanimous approval ng RLUC, idineklara ni RD Mendoza na opisyal nang aprubado ang PDPFP ng Palawan. Mahalagang hakbang ito para sa Pamahalaang Panlalawigan sa pagkamit ng sustainable development na malaki ang magiging epekto sa kaunlaran ng Palawan at rehiyon ng MIMAROPA.

