LIBRENG SERBISYONG PANGKALUSUGAN, LEGAL AT IBA PA, HANDOG NG 'LAB FOR ALL' CARAVAN PARA SA MGA PALAWENO

Nagkaloob ng iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan at pinansiyal na tulong sa mga Palaweño ang ‘Lab for All’ program, isang medical caravan na personal na pinangunahan ni First Lady Louise Araneta-Marcos na ginanap sa PGP Convention Center sa Kapitolyo ngayong araw, Disyembre 5.

“It’s such a pleasure to be here. Palawan is truly known as the jewel of our country… the Lab for All is here to help in our own little ways through medical services and other government services. The Lab for All is giving and providing services for the well-being of the Filipinos. Sama-sama tayong babangon muli para sa bagong Pilipinas,” bahagi ng mensahe ni First Lady Liza Marcos.

Tinatayang nasa 1,500 indibidwal mula sa mga munisipyo sa lalawigan at lungsod ng Puerto Princesa ang nabigyan ng libreng serbisyo mula sa pamahalaan gaya ng medical consultation, dental services, nutrition services, laboratory testing, free eye check-up at eye glasses, legal services at iba pa.

Bukod dito, nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng financial assistance at food packs.
Limang (5) benepisyaryo naman ang napagkalooban ng housing unit sa Coron Heights mula sa National Housing Authority.
Ilang estudyante rin mula sa lalawigan ang nabiyayaan ng Tertiary subsidy ng CHED habang ang TESDA ay nagkaloob ng technical vocational scholarship grant.

Naglahad naman ng pagsuporta sa naturang gawain si Palawan Governor V. Dennis Socrates, kasama sina 2nd District Congressman Jose Ch. Alvarez, Food and Drug Administration (FDA) Director General Samuel Zacate, Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta, Commission on Higher Education (CHED) Chairman J. Prospero de Vera III, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Suharto Mangudadatu, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles, Dr. Bogs Rivera ng End Cervical Cancer PH, at Dr. Charlie Ho ng Integrated Philippine Association of Optometrist, Inc.

“Sa ngalan ng sambayanang Palaweño, pasalamatan natin ang ating First Lady Louise Araneta-Marcos at kanyang mga kasama sa programang ‘Lab for All’ sa serbisyong inyong ipinagkaloob sa aming lalawigan,” ani Gob. Socrates.

Layunin ng naturang programa na mailapit sa mga Pilipino ang mga mahahalagang serbisyo mula sa gobyerno na pangunahing kailangan ng mamamayan.

Samantala, una nang napagkalooban ng kahalintulad na serbisyo ang mga residente sa bayan ng Aborlan, Narra at Brooke’s Point na kung saan umabot sa 1,500 indibidwal ang napagkalooban ng mga nabanggit na serbisyo.