PG-ENRO, MULING NAGKALOOB NG FARM TOOLS BILANG PAGSUPORTA SA PAGPAPA-UNLAD NG AGRO-FORESTRY SA PALAWAN

Muling nagkaloob ng iba’t ibang kagamitang pang-agrikultura (farm tools) ang Provincial Government- Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) ng Pamahalaang Panlalawigan bilang suporta sa pagpapaunlad ng mga Community-Based Forest Management (CBFM) sa iba’t ibang panig ng lalawigan.

Nitong nakalipas na Mayo 10, 2024 ay napagkalooban ng farm tools ang Macatumbalen Community Based Forest and Coastal Management Association (MCBFCMA) ng bayan ng San Vicente na ginanap sa Sitio Macatumbalen, Barangay Poblacion sa nasabing bayan.

Kabilang sa mga ipinamahaging kagamitan ay ang sumusunod: wheelbarrow, knapsack sprayer, square shovel, round shovel, plastic container drum, pick mattock, hole digger, garden bolo (7 pulgada), garden bolo (9 pulgada), expandable garden hose, heavy duty garden hose, digging bar, sprinkling can/watering can, garden net/shade net, pruning shear, hoe, ar hose bib/faucet.
Ang aktibidad ay bahagi pa rin ng Provincial Support Program para sa mga CBFM sa lalawigan, Biodiversity Conservation, at Enhancement Program of Public Parks and Green Spaces na inisyatibo ng PG-ENRO base na rin sa direktiba ni Gob. V. Dennis M. Socrates.

Layunin nito na lalo pang paigtingin ang mga programang may kinalaman sa agro-forestry gayundin bilang pagpapakita ng suporta sa mga aktibidad kaugnay sa pamamahala ng mga nursery sa mga pampublikong parke sa iba’t ibang bayan sa lalawigan kabilang na ang MCBFCMA na matatagpuan sa nabanggit na bayan.

Naniniwala rin ang PG-ENRO na sa pamamagitan ng mga ganitong tulong ay mapapaigting ang pangangalaga sa kalikasan at maiiwasan ang pagdepende ng komunidad sa kagubatan at iba pang likas yaman sa lugar.

Matatandaang, nitong nakalipas na Abril 11 ay nagkaloob din ng kaparehong mga kagamitan ang naturang tanggapan sa Sagpangan Tribal Multi-Purpose Cooperative sa bayan ng Aborlan.