COMMUNITY VOLUNTEER HEALTH WORKERS SA PALAWAN, NAGTIPON-TIPON SA 9TH CVHW CONVENTION

Dumalo ang nasa 3,600 Community Volunteer Health Workers (CVHW) mula sa iba’t ibang munisipyo ng Palawan sa isinagawang 9th CVHW Convention na ginanap sa Edward S. Hagedorn City Coliseum, lungsod ng Puerto Princesa noong Mayo 24, 2024.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Gob. V. Dennis M. Socrates ang mga CVHW sa lalawigan sa pagiging katuwang ng pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa komunidad.

Gusto ko kayong pasalamatan dahil sa inyong serbisyo na ibinibigay sa taong bayan bilang mga volunteer health workers at kaming mga nasa kapitolyo ay saludo sa inyong serbisyo… Dahil tayo ay isang institusyon, magkakaiba man ang ating ginagawa, lahat ay bahagi ng pagkilos ng pamahalaan.”

Lubos kong hinahangaan ang inyong dedikasyon at gampanin sa ating bayan… Kayo ang tumatayong haligi na nagtataguyod ng kapakanan ng sambayanan,” ito naman ang tinuran ni Bise Gob. Leoncio Ola.

Binigyang pagkilala rin ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga samahan ng CVHW sa bawat munisipyo na nagpamalas ng maayos na pangangasiwa ng mga programang pangkalusugan sa kanilang komunidad.

Ipinaliwanag naman ng Provincial Health Office ang gampanin ng mga Barangay Health Workers sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) partikular ang paghahatid ng mga impormasyong pangkalusugan sa komunidad.

Samantala, dumalo rin sa pagtitipon ang ilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan, Provincial Health Office sa pangunguna ni Dr. Faye Labrador, Board Members Marivic Roxas, Nieves Rosento, Winston Arzaga, Ryan Maminta, at Al-Nashier Ibba, BHW Party List Representative Cong. Angelica Co, lokal na opisyales ng mga munisipyo at barangay, at municipal health officers.