Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Community-Based Gender and Development Livelihood Enhancement Program (CBGAD LEP) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, ipinagkaloob noong nakaraang linggo ang P30,000 na individual livelihood cash assistance sa 195 benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan. Layunin ng programang ito na palakasin ang kabuhayan ng mga kababaihan at iba pang sektor na nangangailangan ng tulong pangkabuhayan.
Ayon sa tala, 111 sa mga benepisyaryo ay mula sa bayan ng Sofronio Espaรฑola, 13 mula sa Narra, 17 mula sa Roxas, 19 mula sa San Vicente, 30 mula sa Taytay, at 5 mula sa Aborlan. Kabilang sa mga benepisyaryo ng programang ito ay ang mga biktima ng human trafficking, Parent of Child Labors, Out-of-School Youth, Seaweed Processing Industry Support at Community-Based Sustainable Tourism Industry Support.
Pinangunahan ni G. Richard Winston J. Socrates, Provincial Department Head ng Provincial Gender and Development Office, ang pagkakaloob ng nasabing tulong pinansyal, kasama si DOLE Director Carlo Villaflores, Provincial Legal Officer Atty. Joshua Bolusa, at mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan.
Ang programang ito ay isa sa mga pangunahing proyekto sa ilalim ng pamamahala ni Governor V. Dennis M. Socrates. Binigyang-diin ni Governor Socrates na ang hangarin ng CBGAD LEP ay hindi lamang magbigay ng ayuda kundi makapagpatibay ng pangmatagalang kabuhayan para sa mga benepisyaryo, lalo na ang mga kabilang sa mga espesyal na sektor na madalas hindi nabibigyang pansin. Ayon kay Governor Socrates, ang ganitong inisyatibo ay bahagi ng mas malawak na layunin ng kanyang administrasyon na isulong ang pantay na oportunidad at dignidad para sa bawat Palaweรฑo, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng makabuluhang suporta para sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.
Ang pagtutok ng kanyang administrasyon sa mga programang pangkabuhayan ay nagpapakita ng kanilang pangako sa inklusibong pag-unlad na may malasakit, partikular para sa mga indibidwal at pamilyang nangangailangan ng karagdagang tulong.