
Mahigit sa labindalawang milyong piso (P12M) ang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa mga mamamayan ng bayan ng El Nido upang matulungan silang makapagsimula ng kanilang sariling kabuhayan. Sa ilalim ng Community-Based Gender and Development Livelihood Enhancement Program (CBGADLEP), nasa kabuuang 413 indibidwal mula sa 18 barangay ng El Nido ang nabiyayaan ng tulong pangkabuhayan. Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng tatlumpung libong piso (P30,000) na maaaring gamitin bilang puhunan para sa kanilang napiling negosyo o kabuhayan.
Layunin ng programang ito, sa pangunguna ni Gobernador V. Dennis M. Socrates, na bigyan ng sapat na tulong ang mga mamamayan upang maitaas ang kanilang antas ng pamumuhay, magkaroon ng kabuhayang magtataguyod sa kanilang mga pamilya, at mag-ambag sa kaunlaran ng kanilang komunidad. Ang pagbibigay ng nasabing tulong ay isinagawa noong Nobyembre 12-13, 2024 sa mga Barangay ng Masagana at San Fernando.
Samantala, pinangunahan ni G. Raymundo D. Quicho bilang kinatawan ng Provincial Gender and Development Office ang pagkakaloob ng nasabing tulong kabuhayan kasama si 1st District Provincial Board Member Nieves Rosento at mga kinatawan ng pamahalaang lokal ng El Nido.
Ayon kay Gobernador Socrates ang pamahalaan ay nananatiling kaagapay ng mga mamamayan ng Palawan, lalo na sa pagpapaunlad ng kabuhayan at pagbibigay ng mga oportunidad para sa mga komunidad. Ang pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Governor Socrates, ay patuloy na nagsusulong ng mga programang may tunay na malasakit sa kapakanan ng bawat PalaweΓ±o, partikular sa mga sektor na nangangailangan ng tulong para magkaroon ng mas matatag na kabuhayan.
Ang mga proyektong ito ay pagpapakita ng paninindigan ng administrasyon ni Gobernador Socrates na maghatid ng mga konkretong hakbang tungo sa kaunlaran at kaginhawahan ng lahat ng mamamayan sa lalawigan ng Palawan.
#cbgadlep
#GenderAndDevelopment
#ProvinceofPalawan
#livelihoodprogram

