IBA’T IBANG PROYEKTO AT AKTIBIDAD SA PAGPAPALAKAS NG KILUSANG KOOPERATIBA, MATAGUMPAY NA NAISAKATUPARAN NG PCDO SA TAONG 2024


Matagumpay na naisakatuparan ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) ang iba’t ibang proyekto at aktibidad upang palakasin ang kilusang kooperatiba sa lalawigan. Ang mga inisyatibong ito ay alinsunod sa direktiba ni Gobernador Dennis M. Socrates na suportahan ang mga kooperatiba bilang mahalagang kasangkapan ng kaunlaran.

Bilang pagkilala sa dedikasyon at kahusayan ng PCDO, itinanghal si Provincial Cooperative Development Officer Gina S. Socrates bilang Most Outstanding Provincial Cooperative Development Officer sa buong MIMAROPA nitong nakaraang taong 2024. Ang parangal na ito ay bunga ng kanyang masigasig na pamumuno sa pagpapatupad ng mga programang naglalayong paunlarin ang mga kooperatiba sa Palawan.

Naging matagumpay rin ang 1st Palawan Tripartite Conference for Cooperative Development na dinaluhan ng 233 lider kooperatiba mula sa iba’t ibang bahagi ng Palawan, kabilang ang lungsod ng Puerto Princesa.

Pinangunahan ng PCDO ang pagtitipon ng mahigit 400 lider mula sa mga probinsya ng MIMAROPA sa ginanap na 2nd MIMAROPA Cooperative Congress  kasabay ang pagdaraos ng Coop Trade Fair, na nagbigay ng kita at oportunidad sa mga exhibitors upang maipakita ang kanilang mga produkto at serbisyo.

Itinatag din ang KOOP BATA- Brooke’s Point bilang suporta para sa kabataan ng naturang sa munisipyo at binigyan ito ng ₱300,000.00 na financial assistance bilang panimulang kapital ng nasabing laboratory cooperative.

Nakapagsagawa ang PCDO ng Focus Group Discussion para sa kabataang miyembro ng KOOP BATA sa San Vicente, Bataraza, at Brooke’s Point. Tinuruan ang mga kabataan ng SWOT Analysis at binigyang-gabay sa paggawa ng kanilang mga Plans and Programs para sa 2025.

Apat na kooperatiba ang nakatanggap ng kabuuang ₱1,550,000.00 sa ilalim ng Credit Assistance Program ng PCDO bilang suporta sa pagpapalago ng kanilang operasyon.

Nagsagawa ang PCDO ng 29 pagsasanay sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan upang palakasin ang kakayahan ng mga lider at miyembro ng kooperatiba sa pamamahala at pagpapabuti ng kanilang mga organisasyon.

Bilang bahagi ng kanilang pangmatagalang plano, ipinahayag ni PCD Officer Gina Socrates ang kanilang layuning ipagpatuloy ang mga nasimulan at lumikha pa ng mga makabuluhang programa para sa kooperatiba. Isa na rito ang Livelihood Recovery Program, na inilunsad noong nakaraang taon sa pakikipagtulungan sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ang matagumpay na pagsasakatuparan ng mga proyekto ng PCDO ay patunay lamang ng kanilang masigasig na pagtalima sa adbokasiyang gawing pangunahing kasangkapan ng kaunlaran ang mga kooperatiba. Ang mga inisyatibang ito ay naglalayong magbigay ng mas maayos na kabuhayan para sa mga mamamayan ng Palawan at magtatag ng mas matibay na kooperatiba sa buong lalawigan.