KAMPANYA KONTRA DROGA MATAGUMPAY NA NAISAKATUPARAN NG PROVINCIAL ANTI-DRUG ABUSE PROGRAM PARA SA TAONG 2024
Matagumpay na naisakatuparan ng Provincial Anti-Drug Abuse Program (PADAP) ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga programang naglalayong mapabuti ang kampanya laban sa iligal na droga sa lalawigan ng Palawan sa taong 2024.
Katuwang sa pagsasakatuparan ng mga programang ito ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ilang kasapi ng Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC).
Sa layuning makapagbigay ng tamang impormasyon at mga kasanayan sa mga kabataang Palaweño at mga komunidad sa Palawan ay matagumpay na isinagawa ang mga programa tulad ng information drive sa tamang kaalaman tungkol sa mga panganib na dala ng ipinagbabawal na gamot, pagsasanay para sa mga miyembro ng law enforcement agencies, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang ipatupad ang mga batas na may kinalaman sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot o droga.
Pinagkalooban din ng financial support ang ilang Municipal Anti-Drug Abuse Councils (MADAC) sa Palawan kabilang ang Kalayaan, Culion, Brooke’s Point, Cuyo, Sofronio Española, Aborlan, at Bataraza, ito ay upang matugunan ang ilang pangangailangan sa kanilang lokalidad. Ang bawat munisipyong nabanggit ay tumanggap ng halagang P50,000.
Samantala, kasama rin sa mga aktibidad ang pagsasagawa ng Strengthening Institutional Capacities of Barangay Anti-Drug Abuse Council (SICAP-BADAC), regular coordination meetings at iba pa.
Sa direktiba ni Gob. Dennis M. Socrates, ang mga aktibidad ng PADAP ay bahagi ng mas malawak na adhikain ng Pamahalaang Panlalawigan na masugpo ang iligal na droga at gawing “Drug-Cleared Province” ang Palawan.





