SOFTWARE DEVELOPMENT AT IBA PANG TECHNOLOGICAL INITIATIVES SA KAPITOLYO, ISINULONG NG PROVINCIAL INFORMATION AND COMMUNICATIONS TECHNOLOGY PROGRAM SA TAONG 2024
Sa hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan na gawing mas mabilis, epektibo at de kalidad ang serbisyo ng kapitolyo ay aktibong isinulong ng Provincial Information and Communications Technology Program (PICTP) ang iba’t ibang technological initiatives sa ilang tanggapan ng Kapitolyo nitong nakalipas na taong 2024.
Ang mga inisyatibong ito ay isa sa mga prayoridad ni Gob. Dennis M. Socrates upang sumabay sa pagbabagong dala ng modernisasyon at patuloy na maglingkod sa sambayanang Palaweño.
Nitong nakaraang taon, matagumpay na inilunsad ng PICTP ang Provincial Legal System (PLS) — isang software na makatutulong sa Provincial Legal Office sa pangangasiwa ng mga legal na dokumento at pag-archive ng mga ito.
Bukod sa software development, ang PICTP din ang nangunguna sa System Enhancement, Maintenance & Support sa mga system application na una na nilang nalikha at napapakinabangan na sa maraming opisina sa kapitolyo tulad ng mga sumusunod:
• Human Resource Information System o (HRIS)
• Digital Content and Management System (DCMS)
• Treasury Management System (TMS) Provincial Government Palawan Information System (PGPIS)
• Utilities Billing and Collection System ( UBCS)
• Document Tracking System
Tumanggap rin ng parangal ang PICTP bilang Top Performing Agency sa larangan ng cybersecurity sa 2024 MIMAROPA Cyber Range Exercises. Naging bahagi rin ito sa matagumpay na pagsasakatuparan ng mga aktibidad dahil sa ibinigay nitong technical at secretariat support kung saan mas napabilis ang pagkuha ng resulta ng iba’t ibang patimpalak sa mga isinagawang aktibidad at kaganapan sa kapitolyo.
Dagdag pa rito, nagbigay din ang PICTP ng IT Technical Support sa iba’t ibang opisina ng Pamahalaang Panlalawigan, kasabay ng regular na pag-update sa PGP Official Website upang matugunan ang pangangailangan sa paggamit nito.

