MGA INISYATIBO SA PANGANGALAGA SA KALIKASAN NG PALAWAN, PINAIGTING NG PG-ENRO SA TAONG 2024
Pinaigting ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) ang mga inisyatibo sa pagprotekta sa kalikasan ng Palawan na nakatuon sa kanilang 5-key programs na kinabibilangan ng General Services, Palawan Forest Restoration Network, Biodiversity Conservation, Ecological Solid Waste Management (ESWM) at Environmental Monitoring.
Sa taong 2024, umabot sa 167,542 seedlings ang naitanim sa 2nd Synchronized Pista ng Kalikasan na kung saan ay nakiisa ang iba’t ibang munisipyo at organisasyon sa lalawigan habang tinatayang may kabuuang 135 ektarya naman ang natamnan ng iba’t ibang seedlings sa ginanap na tree planting day.
Nakapagbigay din ang PG-ENRO ng mga agricultural farm tools sa ilang Community-Based Forest Management (CBFM) organizations sa lalawigan. Namahagi rin ng fishing at crab nets sa mga small-scale fishermen sa Seven Line reefs.
Sa pamamagitan naman ng Zero Waste Project, nagkaloob ng tatlong (3) chariot vehicles ang naturang ahensya at insentibo sa mga volunteers sa paglilinis at recycling activity sa bayan ng El Nido.
Sa pangangalaga sa marine ecosystem sa Palawan, nagsagawa ng reef clean-up, Scubasurero, coral reef monitoring, coastal clean-up, at ang paglalagay ng monitoring stations sa ilang marine protected area.
Nasa 23 watersheds naman sa lalawigan ang naitala bilang “actively managed” sa ilalim ng Watershed Management Program. Patuloy din ang nagsagawa ng Information, Education and Communication (IEC) Campaign para sa Mangrove Restoration sa lalawigan.
At bilang katibayan sa husay at dedikasyon sa pangangalaga ng kalikasan, binigyan ng parangal ang PG-ENRO ng Philippine League of Local Environment and Natural Resources Officers (PLLENRO) sa 2024 Gawad Galing Kalikasan.

