ONLINE APPLICATION PROCESS PARA SA PAGBUBUKAS NG BAGONG PAYROLL ACCOUNT NG MGA KAWANI NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG PALAWAN, TINALAKAY NG LAND BANK OF THE PHILIPPINES

Sa layuning mapadali at mapabilis ang proseso sa aplikasyon ng mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pagbubukas ng bagong payroll account  at pagkakaroon ng atm card ay tinalakay ng Land Bank of the Philippines (LBP)  kahapon, Enero 16,2025, ang improved online application process na LBP Digital Onboarding System (DOBS) na ginanap sa VJR Hall ng kapitolyo.

Ipinaliwanag ni LBP Customer Service Assistant John Lawrence M. Garcellano ang mga hakbang na dapat gawin gamit ang laptop at android phones sa pagbubukas ng payroll account  ng mga emplayado ng kapitolyo lalo na ang mga newly-hired contract of service employees. Kinakailangan lamang na magtungo sa https://dobs.landbank.com/DOBS/application/personal at piliin ang Corporate Payroll Account. Sundin lamang ang instruksiyon at ibigay ang mga hihinging impormasyon.

Ang oryentasyon ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng LBP at Office of the Provincial Treasurer ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Provincial Treasurer Elino P. Mondragon kasama si acting assistant provincial Treasurer Erlinda T. Rizada. Ito ay dinaluhan ng mga liaison at administrative officers mula sa ibat ibang tanggapan ng kapitolyo.

Samantala, tinalakay rin ng Provincial Information and Communications Technology Program (PICTP) sa pamamagitan ni Information Technology Officer III Sherlock Bajenting ang Updating of Document Tracking System upang ipaliwanag  sa mga empleyado ng kapitolyo ang mga hakbang sa  pagproseso at  estado sa pag-transfer ng mga payroll .  Dumalo rin si PICTP Manager Agnes Alarilla sa pagpupulong upang ipaliwanag ang mga pagbabago sa proseso.

Ayon kay Mondragon, umaasa siya na mauunawaan ng mga empleyado ang proseso ng pagpapasweldo at kanilang layunin na mas mapadali at mapabilis ang pag-transfer ng payroll na kadalasang reklamo na kanilang natatanggap.

“Gusto naming ipaabot sa inyo kung ano ang proseso ng pagpapasweldo, pag-open ng account sa ating mga bagong contract of service employees lalo na ngayon, beginning of the year. Sa malamang ay marami ang hiring sa ating mga departments. Hindi man bago, ‘yung iba ay maaaring nag-close na ang atm o payroll account. Iyon ang common problem na aming nakikita everytime na kami ay nagtatransfer pero patuloy pa rin ang reklamo, na ang dahilan naman pala ay closed account na”, bahagi ng mensahe ni Mondragon.