MGA INISYATIBO SA PAGTATAGUYOD NG KALUSUGAN, TINUTUKAN NG PROVINCIAL HEALTH OFFICE SA TAONG 2024
Bilang pagtugon sa direktiba ni Gob. Dennis M. Socrates na palakasin ang sektor ng kalusugan sa lalawigan ng Palawan, tinutukan ng Provincial Health Office (PHO) ang patuloy na pagtataguyod ng kalusugan ng mga Palaweño sa taong 2024.
Kabilang sa mga naisakatuparang hakbang ang mas pinalawak na health promotion initiatives gaya ng Indigenous Peoples (IP) Health Caravan, province-wide HPV vaccination, Puppet Show, Immunization Campaign, Biyaheng Kalusugan: Mental Health campaign, Malaria Awareness campaign, medical mission at marami pang iba.
Pinalakas din ng PHO ang mga hakbang kontra Dengue gaya ng misting operation, house-to-house IEC Campaign patungkol sa 5S strategy at pamamahagi ng Vector-Borne Disease Commodities.
Samantala, upang tuluyang mapuksa ang sakit na Malaria sa Palawan at patuloy na isinasagawa ang komprehensibong aksyon hakbang para dito kabilang ang pagpapaigting ng case surveillance, pagsasagawa ng vector control, pagpapalakas ng community engagement, at pagsasanay sa mga malaria warriors at health workers upang maideklarang Malaria-free na ang lalawigan ng Palawan sa taong 2026.
Pinaigting din ang programa sa sakit na tuberculosis kung saan umabot sa 88.33% ang treatment success rate at 70% cure rate gayundin ang HIV/AIDS Prevention and Control kung saan 95% ang access sa treatment, medication at client functionality.
Bilang bahagi naman ng Universal Health Care (UHC) Integration, mas pinalakas ang Disaster Risk Reduction and Management for Health (DRRM-H) sa bawat munisipyo sa lalawigan. Naitaguyod din ang Healthy Learning Institutions (HLI) sa lalawigan katuwang ang Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Center for Health Development (CHD) at Department of Education (DepEd) na nakatuon sa kalusugan ng mga mag-aaral at guro.
Nabigyan din ng prayoridad ang insentibo at benepisyo ng nasa 4,964 Volunteer Health Workers sa lalawigan na malaking bahagi sa pagtataguyod at pagsasakatuparan ng mga programang pangkalusugan para sa mga Palaweño.
Ang mga hakbang na ito ay patunay lamang na aktibo ang pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagtataguyod ng kalusugan ng sambayanang Palaweño sa pangunguna ng PHO.

