Menu

Mahigit 8 Milyong Livelihood Assistance, Naipagkaloob sa 279 na Benepisyaryo sa Bayan ng Busuanga

BUSUANGA, PALAWAN – Matagumpay na naipamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang mahigit ₱8 milyon na Livelihood Assistance sa 279 na benepisyaryo mula sa labing-apat (14) na barangay ng Bayan ng Busuanga sa ilalim ng Community-Based Gender and Development Livelihood Enhancement Program (CBGAD-LEP).

Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng ₱30,000.00 bilang puhunan para sa kanilang napiling proyekto pangkabuhayan, na siyang magsisilbing tulay sa pagpapalakas ng kanilang kita at kabuhayan. Ang programang ito ay inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Dennis M. Socrates, na patuloy na nagsusulong ng mga programa upang maiangat ang kalidad ng buhay ng mga Palaweño at matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.

Ang seremonya ng pamamahagi ay ginanap sa Busuanga Gymnasium at dinaluhan ni Municipal Mayor Elizabeth Cervantes, kasama ang iba pang mga opisyales mula sa iba’t ibang barangay ng nasabing bayan. Sa pamamagitan ng CBGAD-LEP, inaasahang mapapalakas ang kakayahan ng mga benepisyaryo na mapanatili at mapalago ang kanilang mga pangkabuhayang proyekto, na magreresulta sa mas matatag at masaganang kinabukasan para sa kanilang pamilya at komunidad.

Ang matagumpay na pagpapatupad ng programang ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Dennis M. Socratyes na suportahan ang mga mamamayang Palaweño sa kanilang pag-unlad at pagsulong tungo sa isang mas maunlad na Palawan.